Tulfo

Sen. Raffy biglaang sinuri MCIA kasunod ng kaso ng ‘tanim bala’

18 Views

NAG-inspeksyon si Sen. Raffy Tulfo, pangulo ng Senate Committee on Public Services, ng hindi inaasahan sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) kamakailan.

Layunin ng inspeksyon na masuri ang mga security protocols ng paliparan at siyasatin ang detalye ng insidenteng naganap noong Marso 27 na kinasasangkutan ng isang babaeng pasahero.

Ayon sa ulat, isang 47-anyos na babae ang nasita sa security screening matapos makita ng X-ray machine ang apat na bala sa kanyang hand-carry na bag.

Dahil sa masalimuot na kasaysayan ng bansa sa mga kaso ng tanim-bala–lalo na noong dekada 2010 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)–agad na nagdulot ito ng agam-agam.

Personal na hinarap ni Sen. Tulfo si MCIA General Manager at CEO Julius Neri Jr. upang makuha ang kabuuang paliwanag sa insidente.

Ayon kay Tulfo, itinanggi ni Neri na may nangyaring tanim-bala at iginiit na nasunod ang lahat ng tamang proseso.

Iginiit din ng senador na may mga obligadong hakbang tulad ng video-recorded inspections sa harap ng mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) at Philippine National Police Aviation Security Unit (PNP AVSEU).

Pnangunahan ni Tulfo ang isang live demonstration kung saan isang staff sa Senado ang naglagay ng tatlong bala sa loob ng bag na isinailalim sa X-ray.

Ayon sa senador, lumitaw sa screen ang mga bala at agad na inalis sa conveyor ang bag para sa masusing inspeksyon.

Isinaad niya ang eksaktong proseso: “Bago pa man buksan ang bag, tinatawag agad ng OTS ang miyembro ng PNP AVSEU para masaksihan ang pagbubukas at kinukuhanan ito ng video — kasama ang pahintulot ng pasahero.”

Sinuri rin ni Tulfo ang kabuuang sistema ng surveillance sa paliparan at pinuri ang malawak na pagkakabit ng mga CCTV sa mga lugar ng inspeksyon.

Aniya, hindi lang nito pinoprotektahan ang mga pasahero, kundi nagbibigay rin ng seguridad sa airport personnel laban sa maling akusasyon.

Sa labas ng terminal, sinilip ni Tulfo ang mga taxi bay ng paliparan at ikinatuwang makita na malinaw na naka-post ang standard rates.

Bukod pa rito, nagbibigay ng resibo sa mga pasahero na naglalaman ng pangalan ng operator, tsuper, at plaka ng sasakyan.

Sa pagtatapos ng kanyang inspeksyon, ipinahayag ng senador ang kanyang kasiyahan sa sistema ng paliparan.

“Maganda ang sistema dito sa MCIA. Dapat gayahin sa NAIA,” aniya.