Hontiveros Photo Courtesy of O/S Senator Hontiveros

Sen. Risa: Lungga ng mga kriminal

107 Views

MATINDING pagdududa ang nararamdaman ni Sen. Risa Hontiveros sa posibilidad na malalaking tao na umanoy nasa likod ng Phil Offshore Gaming Operator o mas kilala bilang POGO kung bakit nakapag o operate ito ng walang takot at walang preno kahit pa bistado na ito na ginagamit sa ibat ibang krimen.

Si Hontiveros na kamakailan lamang ay nag-inspeksyon sa POGO sa Bamban, Tarlac, na ni-raid ng mga tauhan ng gobyerno dahil sa mga kaso ng human trafficking at serious illegal detention ay nagsabing nakapagdududa kung saan kumukuha ng lakas ng loob ang mga ito sa kabila ng ginagawang paghabol sa kanila ng gobyerno.

Ayon sa Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) anim na puganteng Intsik na diumanoy natagpuan sa pag aari ng kumpanyang Zun Yuan Technology, Inc., na nagpapatakbo ng mga illegal na love scams at cryptocurrency investment scams sa loob ng naturang compound ng nasabing kumpanya.

“POGOs are hotspots of fugitives. Lungga ng mga kriminal. Hindi ko maintindihan kung bakit hanggang ngayon, hindi mapalayas nang tuluyan ang industriyang ito. Sino ba protektor ng mga ito?

Bakit parang hirap na hirap ang gubyerno na kumilos?,” pagtataong ni Hontiveros.

Ayon pa kay Hontiveros ang nasabing POGO hub sa Bamban, na kahalintulad ng mga nauna pang hinuli ay may mga scam facilities, at mga animo’y opisina na may mga computer work stations, at mga instructional guides at scripts na kanilang ginagamit sa pag sasagawa ng Love scams at crypto schemes.

Bukod pa rito ay natagpuan din ang hile hilera at ibat ibang iPhones at Android smartphones na nakasampay sa mga metal racks kasama ang hindi mabilang na ibat ibang SIM cards, na pinaniniwalaan gamit sa kanilang mga kaduda dudang transaksyon.

“Ginagamit talaga bilang legal cover ang POGO ng mga sindikatong scammer. At kahit pa ligal na POGO, hindi ikinaganda ng Pilipinas ang pag-welcome sa mga sugalang ito. Simula pa lang, nakita na natin na mas pinalala lang ng mga POGO ang mga sakit ng ating lipunan,” giit ni Hontiveros.

Sa kanyang panukalang Senate Resolution No. 1001 nais ni Hontiveros malamang sa ilalim ng kanyang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang patakaran ng Visa Upon Arrival (VUA) scheme na sinasabing ginamit sa pang aabuso ng mga Chinese POGO workers kung kayat nakapasok ito sa bansa ng hindi na che check ng husto ng ating pamahalaan.

Ayon pa kay Hontiveros mataas ang posibilidad na ang VUA na ito ang ginagamit sa mahabang panahon ng mga POGO na ito lalo pumalo sa 295 na intsik ang nahuli sa Bamban, Tarlac.

“Itong mga na-rescue, nakapasok ba dahil sa VUA noong panahon pa ng Pastillas Scam? O may bagong kababalaghan na naman na hindi pa natin alam?” tanong ni Hontiveros.

“Human trafficking is part of their business model. Sa Pastillas Scam findings ng komite, business partner ang mga tiwali sa Immigration. Hanggang ngayon ba may modus pa rin? May business partner narin ba na mga LGU? Mula noon hanggang ngayon, hindi natin napakinabangan ang mga POGO. Puro sakit sa ulo ang dala sa bansa. The Executive should order the immediate ban of POGOs now,” giit ng senadora.