Calendar
Sen. Risa pinuri payo ni PBBM kay Quiboloy na humarap sa Kongreso
PINAPURIHAN ni Senadora Risa Hontiveros, chair ng Senate Committee on women, children, family relations and gender equality, ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos bigyan payo ng huli ang founder at lider ng Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Carreon Quiboloy na harapin ang imbitasyon ng dalawang Kongreso at sagutin ito ng walang alinlangan dahil ito ang hinihingi at siyang naaayon sa batas.
Para kay Hontiveros, ang sinabi ng Pangulo ay isang pagkilala sa ating saligang batas at respeto sa isang sangay ng gobyerno na ginagampanan ang tawag ng trabaho.
“Sang-ayon po ako kay President Marcos Jr. Dapat humarap talaga si Apollo Quiboloy sa pagdinig pati dito sa Senado. At gaya ng sinabi ko nung isang araw ay bukas ang Senado para sa kanyang panig at siya lamang ay aming hinihintay.” ani Hontiveros sa isang panayam.
Inamin din ng senadora na wala pang pormal o impormal na pagpaparamdam ang KoJC pastor kung ito ay sisipot o hindi sa gagawin na pagdinig sa Marso 5, 2024, ngunit inaasahan pa rin aniya ng kanyang komite na dadalo ito sa subpoena kanilang ipinadala na pirmado ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
“Wala pang info na may intensyong humarap. At ang isang huling sinabi nila tungkol sa pagdinig, yung isang paglalarawan nila na ay “bogus hearing. So wala pa rin sa tamang ugali ng pagrespeto sa hearing ng komite ng Senado. At wala pang sinasabing intensyon na i-honor yung subpoena.” ani Hontiveros.
Para kay Hontiveros, maliwanag ang sinabi ng punong ehekutibo at maituturing aniyang tama ang payong ito dahil ito ay naaayon sa batas na itinakda ng ating konstitusyon.
“Well, sa kabila nung pagbanat ni Quiboloy pati kay Presidente, siguro naman ang pananalita ng occupant ng pinakamataas na opisina sa ating gobyerno at bansa, siguro naman may kahit konting bigalan. Tingnan po natin. Dapat lamang may bigat po sa kanila iyong salita ng Presidente.”ani ng senadora.
Matatandaan na nag ugat ang pagdinig sa inihain ni Hontiveros na Senate Resolution no. 884 kung saan ay pinaiimbestigahan ng kanyang komite ang KOJC leader, Pastor Quiboloy sa diumano ibat ibang krimen na ikinakabit dito tulad ng sexual abuse of women and children sa umanoy mga miyembro nito bukod pa sa ibat ibang kaso na sa gitna ng pagdinig ay ibinulgar din ng mga testigo laban sa pastor at sa kanyang mga lider.
Sa gitna ng pagdinig ay tinanong din si Hontiveros ukol sa sinabi ni Sen. Robinhood Padilla na personal diumano siyang kakausapin nito upang ipahinto na ang nasabing pagdinig at dalhin na lamang sa tamang korte upang hindi magdulot ng maraming sigalot at mauwi sa mas problemadong sitwasyon dahil sa milyon milyon umano ang tagasunod nito na posibleng magprotesta bilang suporta kay Pastor Quiboloy.
Ipinagkibit balikat lamang ni Hontiveros ang pahayag ni Padilla sa pagsabing hindi paramihan ng numero ang pinag uusapan dito kundi ang paglabas ng katotohanan at pagbibigay hustisya sa mga taong lubos na na agrabyado at dumanas ng pagmamalupit diumano kung kayat karapatan lamang aniya ng mga ito na humingi ng tamang hustisya.
“Million-million ang followers nila pero yung ilan sa kanila at hindi natin alam kung ganong kakaunti ay nagreklamo at kabilang sa mga humaharap sa komite. Dahil sa kabila ng kanilang sinserong pananalig at sinserong pag-asa na mabubuhay sila ng matiwasay sa kanilang pananalig kay Quiboloy e sa kabila nun nakaranas sila ng teribleng mga pangaabuso, pananakit, at iba pa.”
“Yung paulit-ulit na sinasabing sa korte na lang iharap, ginawa na yun ng ilan. At malamang gagawin pa ng ilan. At yung isa nga, dahil dinismiss yung kaso nila sa Davao, ni-raise at on-appeal hanggang ngayon sa Department of Justice. At ongoing nga yung mga kaso kahit sa ibang bansa. Mas madaling nga matatapos yung hiring paghumarap na si Quiboloy, eh. Kasi siya yung iniintay ng komite. Siya ang iniintay ng chair. Siya ang iniintay ng Senado. Kaya’t hindi matatapos ang pagdinig hanggat mayroong pang mga witness, victim survivors na lumalapit at gustong mag-testigo. Parado, mas madaling makukumpleto ang trabaho ng komite paghumarap si Quiboloy” paliwanag ng senadora.
Sinigurado naman din ni Hontiveros kay Quiboloy at sa iba pang mga testigo na kasama niya sa KoJC na bibigyan sila ng puwang ng kanyang komite at pakikingan ang kanilang panig sa mga paratang na ipinupukol sa kanila ng mga naunang testigo.
Para naman sa kampo ni Quiboloy, sinabi ng abogado nito na si Atty. Ferdinand Topacio na ang kanyang kliyente ay hindi nagtatago at naririto pa aniya sa Pilipinas ngunit nag iingat lamang at tinitimbang ang sitwasyon para sa kanyang kaligtasan.
Sinabi rin ni Atty. Topacio na hindi naman talagang matatawag na in aid of legislation ang ginagawa ni Hontiveros dahil kumpleto na aniya ang batas ayon sa nakasulat na at naipasa na sa kongreso kung kayat maliwanag aniya na in aid of persecution lamang ang lumalabas na motibo ng pagdinig na ito.
Hinikayat din niya si Hontiveros na mas makabubuting dalhin na lamang ng senadora sa tamang korte ang mga hinaing ng mga diumanoy biktima ni Pastor Quiboloy upang masagot nila ito ng ayon sa hinihingi ng batas.
Gayun pa man, iginiit pa rin ni Hontiveros na dapat umanong sumagot si Quiboloy sa mga akusasyon laban sa kanya sapagkat naghain na rin naman ang mga ito ng reklamo sa tamang korte at tama lamang umano na makita kung ano pang batas ang dapat pag aralan upang masigurong nabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng ganitong uri ng krimen.
“The committee always observes respect for the different resource persons. Ano mang panig sila ng resolusyon na iniimbestiga. Ang language ng resolusyon is firmly on the side of the victim survivors, of the witness. At the same time, sa pagpapatakbo ng hearing, dinidinig lahat ng stakeholders. We’ve already heard, for example, yung Jose Maria College. Iniintay na lang talaga si Quiboloy mismo na humarap at madinig.” giit ni Hontiveros.