Robin

Sen. Robin ipinagtatanggol Muslim, ibang grupo vs diskriminasyon

146 Views

PROTEKSYON para sa mga Muslim at iba pang grupo laban sa diskriminasyon. Ito ang layunin ng panukalang batas na ihinain ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.

Sa Senate Bill 233, iginiit ni Padilla – na nakaranas din ng diskriminasyon dahil sa kanyang pagiging isang Muslim – na dapat protektahan ang karapatan ng lahat ng Pilipino, at walang puwang para sa diskriminasyon dahil sa lahi, relihiyon o pagiging dating bilanggo.

Mabibigat na parusa ang isinusulong ng panukalang batas, kasama ang pagkakulong na hindi bababa sa anim na taon, at multang hindi bababa sa P100,000.

“This bill lays down the prohibited and punishable acts of discrimination against a person, his/her relative up to the fourth degree of consanguinity or affinity, or representative, when committed on the basis of race, color, descent, national oe ethnic origin, religion, or religious affiliation or beliefs, or being formerly incarcerated,” ani Padilla sa kanyang panukalang batas.

“Regrettably, it is a reality that differing and adverse treatment on the basis of race, ethnicity, religion or even involvement with the justice system still exists in a democratic country like ours. Like other nations around the world, social exclusion, intolerance and discrimination prevail and harm the basic rights of every member of our society… In order to ensure that every Filipino’s equality is preserved and human dignity is protected, the passage of this measure is earnestly sought,” dagdag ng mambabatas.

Naranasan ni Padilla ang hirap sa pagnenegosyo dahil sa kanyang pananampalataya. Bukod dito, aniya, nagkaroon na ng ibang insidente ng diskriminasyon tulad ng memorandum ng pulis-NCR para i-require ang “identification” ng mga estudyanteng Muslim noong 2019.

Sakop ng panukalang batas ang mga sumusunod na gawain na base sa lahi, relihiyon at pagiging dating bilanggo:

* Pagdiskrimina sa eleksyon, trabaho, pag-aaral at pagsasanay, at pangangalakal

* Pagbabawal sa pagpasok sa pampublikong pasilidad o pagtitipon

* Paggawa ng “profiling”

Magbubuo ang lahat na pampubliko at pribadong ahensya, paaralan at kumpanya ng “Non-Discrimination and Equal Opportunity Committee” na mag-iimbestiga sa mga paglabag sa panukalang batas.

Samantala, trabaho ng Commission on Human Rights para tulungan ang pagbuo ng proseso para sa pag-imbestiga at pagresolba ng mga kasong diskriminasyon; at magbuo ng gabay para madaling makamit ng mga na-diskrimina ang hustisya. Ang CHR din ang tutulong sa paghain ng kaso laban sa lalabag, at bumuo ng sistema ng case referrals sa karampatang ahensya ng pamahalaan.

Kasama sa mga parusa sa paglabag ang:

* Multang hindi bababa sa P100,000, anim na taong pagkulong, o pareho sa unang paglabag;

* Multang hindi bababa sa P500,000 hanggang P1 milyon, walong taong pagkulong, o pareho sa susunod pang paglabag.

Parusa na multang P500,000 pataas, pagkulong na walong taon pataas, o pareho ang itinakda sa opisyal ng pamahalaan, at mga opisyal ng korporasyon na lalabag. Kung dayuhan ang naglabag, agad itong ide-deport matapos ang pagkulong.