Calendar
Sen. Robin magsasalita ng Tagalog sa Senado
HINDI UMANO matitinag si Senator-elect Robin Padilla sa kanyang desisyon na gamiting ang wikang Tagalog sa loob mismo ng session hall ng Senado.
Ayon kay Padilla, naniniwala siya na mas komportable niyang maipapahayag at maipapa intindi sa maraming Pilipino ang mga usapin sa Senado at kung paano binabalangkas ang batas kung gagamitin niya ang sariling wika.
“Bakit naman ako kailangan pang magkunwari sa pag I English. Magkakaintindihan naman kami ng iba pang senador lalo’t pare pareho naman kaming Pinoy.” ani Padilla.
Ipinaliwanag din ng dating bad boy ng Philippine Cinema na nais niyang maipakita sa maraming botanteng Pilipino na nagtiwala sa kanya na magagawa niya ang kanyang trabaho kahit pa aniya hindi siya makipag sabayan ng Ingles kaninuman.
“Panahon na para maipaliwanag sa kanila gamit ang natural nating salita bilang Pilipino kung ano ang mga nangyayari sa Kongreso at paano nagtatrabaho ang bawat mambabatas na kanilang iniluklok sa posisyon,” giit ni Padilla.
Kamakailan lamang ay kumuha si Padilla ng special course upang higit niyang maintindihan bilang halal na senador ang kanyang gawain at obligasyon sa pamamagitan ng three-day seminar na nakatuon sa executive mentoring at legislative governance.
Ayon pa sa senador na siyang nanguna sa katatapos lang na National Election nuong May 9, handa na umano siyang makipag talastasan sa kanyang kapwa sa senador at iba pang mambabatas sa plenaryo at sa anumang debatehan sa mga susunod na araw.