Calendar
Sen. Win mananatiling chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture
NANINDIGAN si Gatchalian na ipagpapatuloy niya ang pagsulong sa mga repormang tutugon sa krisis sa edukasyon at mag-aangat sa kakayahan ng mga mag-aaral ng bansa. Ilan sa kanyang mga prayoridad ang pagsusulong na maibalik ang face-to-face classes, ang pagrepaso sa sistema ng K to 12, at ang pagtataguyod sa kapakanan ng mga guro.
Nanindigan din si Gatchalian na titiyakin niya ang maayos na pagpapatupad ng mga batas na kanyang isinulong sa 18th Congress. Kabilang dito ang Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510), ang Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), at ang Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act (Republic Act No. 11650).
Isinulong din ni Gatchalian ang panukalang batas na lilikha sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na susuri at magrerepaso sa buong sektor ng edukasyon.
Iginiit ni Gatchalian ang pagbabalik ng face-to-face classes upang tugunan ang learning loss sa panahon ng COVID-19 pandemic. Tinataya ng National Economic and Development Authority (NEDA) na 22 trilyong piso ang mawawala sa bansa dahil sa dalawang taong walang face-to-face classes.
Upang itaguyod naman ang kapakanan ng mga guro, hinimok ni Gatchalian ang papasok na administrasyon na tiyakin ang ganap na pagpapatupad sa Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).
Ayon kay Gatchalian, dapat bigyang prayoridad ng susunod na administrasyon ang pagtaas sa sahod ng mga guro at ang pagkakaroon nila ng sapat na health insurance Dagdag pa ng Senador, dapat sundin ng Department of Education (DepEd) ang rekomendasyon ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na pag-aralan ang workload ng mga guro upang makatutok sila sa pagtuturo.
Ibinahagi kamakailan ni Gatchalian ang mga nilalaman ng Committee Report No. 645 sa ukol sa pagrepaso ng basic education committee sa pagpapatupad ng Magna Carta. Inaprubahan na ng Senado ang naturang ulat.
“Sa ating pagpapatuloy bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, bibigyan natin ng prayoridad ang pagtugon sa krisis sa sektor ng edukasyon. Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa hagupit ng pandemya, iaangat natin ang kalidad ng edukasyon at itataguyod ang kapakanan ng ating mga guro,” ani Gatchalian.