Calendar
Sen. Win nagpahayag ng buong suporta kay VP-elect Sara
UPANG matugunan nang maigi ang krisis sa sektor ng edukasyon, ipinahayag ni Senador Win Gatchalian ang kanyang buong suporta kay Vice President-elect Sara Duterte-Carpio na nakatakdang mamuno sa Department of Education o DepEd.
Nanumpa si Duterte-Carpio bilang Pangalawang Pangulo kahapon, Hunyo 19, sa Davao City.
Para kay Gatchalian, ang pangunahing prayoridad dapat ng DepEd ay ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Aniya, kailangan ding tutukan ang pagpapaigting sa performance ng mga mag-aaral sa bansa.
Upang masimulan ang pagbangon ng sektor ng edukasyon, isinusulong ni Gatchalian ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan, child development center, at mga Alternative Learning System (ALS) community learning center pagdating ng Agosto. Binigyang diin din ni Gatchalian ang pangangailangan sa mga learning recovery program na tututukan ang reading at numeracy upang matugunan ang banta ng learning loss o pag-urong ng kaalaman.
“Sa pagpasok ng bagong administrasyon, tututukan natin ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dinulot ng pandemya. Makikipagtulungan tayo sa Department of Education sa pangunguna ng ating Pangalawang Pangulo upang mabuksan nang ligtas ang ating mga paaralan, at matiyak na maihahatid natin sa kabataang Pilipino ang dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian.
Batay sa nakalap na datos ng World Bank bago pa tumama ang pandemya, tinatayang umabot na sa mahigit siyamnapung porsyento ang learning poverty sa bansa noong 2021. Ang learning poverty ay ang porsyento ng mga batang sampung taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng simpleng kwento.
Ayon sa isang ulat na inilabas ng World Bank, UNICEF, at United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) noong 2021, pinangangambahang aakyat pa ng sampung porsyento ang learning poverty sa mga lower-middle income na bansa tulad ng Pilipinas dahil sa pagsasara ng mga paaralan.
Dahil natanggap ni Duterte-Carpio ang 61 porsyento ng mga boto nitong katatapos na halalan, binigyang diin ni Gatchalian na meron siyang political capital upang ipatupad ang mga kinakailangang reporma sa sistema ng edukasyon, kabilang ang pagrepaso sa K to 12 curriculum upang tutukan ang mga basic skills.
Binigyang diin din ni Gatchalian ang magiging papel ng panukalang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) upang tugunan ang krisis sa edukasyon. Kabilang sa mga magiging tungkulin ng EDCOM II ang pagrekomenda ng pag-unlad ng ugnayan ng mga polisiya at programa ng DepEd, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority.