Gambling

Senado mas pinaigting pagtutok sa online gambling

311 Views

Mas pinaigting ng Senado ang imbestigasyon sa lumalalang operasyon ng online gambling sa bansa, partikular na tinutukan ang papel ng mga e-wallet gaya ng GCash at PayMaya, gayundin ng social media platforms tulad ng Facebook (Meta) at Telegram.

Pinangunahan ni Senador Erwin Tulfo ang pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, kung saan naglabas sila ng show-cause order laban sa Meta matapos hindi dumalo ang kanilang kinatawan sa itinakdang pagdinig. Mariing babala ni Tulfo: “Kung kailangan i-subpoena sila, i-subpoena ‘yung country representative nila.”

Kinondena ni Senadora Risa Hontiveros ang aniya’y paglilipat ng mga gambling links mula sa e-wallets papunta sa social media. Ayon sa kanya, “Inalis na nga natin dito sa mga e-wallets, doon na napunta sa kanila,” sabay turo sa Facebook at Telegram na umano’y ginagamit sa pagpapasa ng back-up links ng mga sugalan.

Sa gitna ng imbestigasyon, isiniwalat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bagama’t natanggal na ang mga clickable gambling links sa e-wallet apps, “you can still cash in and cash out using the e-wallets,” ayon kay BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan.

Dito pinunto ni Hontiveros ang kawalan umano ng tunay na pagsunod sa utos ng Senado: “Hindi pa po nasusunod talaga yung utos ng komite.”

Inilahad naman ng PAGCOR na pinayagan nila ang e-wallet connectivity dahil sa mga safeguards at regulasyong ipinatutupad ng BSP. Pero giit ni Hontiveros, masyado itong maluwag: “Nagawang pahirapan ang credit cards, pero pinadali ang e-wallets.”

Lumabas din na parehong may merchant accounts ang GCash at PayMaya na ginagamit ng mga gambling operators para sa cash-in at withdrawal ng pera. Nang tanungin kung posible bang umabot sa ₱500,000 ang halaga ng pagsusugal gamit ang kanilang platform, pag-amin ni GCash legal counsel Atty. Gilbert Escoto: “On the premise given… we recognize that there is a problem.”

Nagbabala si Hontiveros sa panganib ng in-app loans na ginagamit sa pagsusugal, lalo na para sa mga minimum-wage earners. Kinumpirma ng GCash at PayMaya na posibleng gamitin ang mga loan proceeds para sa sugal. “Posible po yan,” ani Escoto. Dagdag ni Atty. Toff Rada ng PayMaya: “That is precisely the behavior we want to prevent.”

Tinukoy rin ni Hontiveros ang pagkakaiba ng limitasyon sa online banking at pagsusugal: “Sa online banking nga eh, sumobra ka lang ng ₱50,000, hindi ka na makakapag-transfer. Pero dito po sa kanila, kalahating milyon pwedeng maglabas-masok sa pagsusugal.”

Nang tanungin ukol sa aktwal na datos ng user engagement, demographics, at kita mula sa gambling activities, hindi nakapagbigay ng real-time data ang GCash at PayMaya. Nangako ang dalawang kumpanya na isusumite nila ito sa pamamagitan ng sulat.

Bilang pagtatapos ng pagdinig, iginiit ni Hontiveros ang responsibilidad ng gobyerno: “May kapangyarihan ang PAGCOR. Kaya nyong ipagbawal ang paggamit ng e-wallets… lalo na’t apektado ang karaniwang tao.”

Inaasahang maglalabas ang komite ng mga bagong panukala para sa mas mahigpit na regulasyon—kabilang na ang batas, mas istriktong BSP guidelines, at pagtutulungan ng mga ahensiya upang maharap ang lumalalang problema ng online gambling.