Calendar

Senado pwedeng magsesyon hanggang Pebrero 7 pero mas piniling di aksyunan impeachment
PINASINGUNALINGAN ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list ang pahayag ni Senador Cynthia Villar na naipadala ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte sa Senado sa huling araw ng sesyon.
Paglilinaw ni Acidre na ayon sa Concurrent Resolution No. 22, ang tunay na huling araw ng sesyon bago ang recess ay Pebrero 7, kaya may oras pa ang Senado para umaksyon sa impeachment complaint na inihain ng Kamara na inihain noong Pebrero 5.
“With all due respect to our good senator, Ma’am Cynthia, maliwanag po sa legislative calendar na hindi pa tapos ang sesyon nang matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment. May dalawang araw pa sila para umaksyon kung talagang gusto nilang simulan agad ang proseso. It’s a leadership issue,” giit ni Acidre.
Itinanggi rin ni Acidre ng House Committee on Overseas Workers Affairs, ang alegasyong sinadyang patagalin ng Mababang Kapulungan ang impeachment process, aniya, kumilos agad ang Kamara upang maipadala ang Articles of Impeachment sa pinakamabilis na paraan.
“With 215 members of the House endorsing the impeachment, the Articles of Impeachment were immediately sent to the Senate – fast-tracking the process. Kung dadaan pa ito sa Justice Committee, mas matagal sana ang naging proseso,” paliwanag ng mambabatas.
Binigyang-diin niya na mula nang ihain ang impeachment complaints, abala na ang mga miyembro ng Kamara sa pagtalakay upang pagtibayin ang kaso.
“To say that the House ‘stalled’ or ‘delayed’ the impeachment is simply not true. We moved efficiently, ensuring the process was both swift and thorough,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Acidre na malinaw na itinatakda ng Saligang Batas ng 1987 na kailangang agad kumilos ang Senado matapos matanggap ang Artikulo ng Impeachment—isang tungkulin na, aniya, hanggang ngayon ay hindi pa natutupad.
“Ang Saligang Batas mismo ang nagsasabing dapat agad simulan ang impeachment trial. Hindi ito pwedeng ipagpaliban dahil impeachment ang pinag-uusapan – isang proseso na may malaking epekto sa tiwala ng tao sa gobyerno,” saad pa ni Acidre.
Nagbabala rin siya na ang pagkaantala ng impeachment trial ay nagbibigay lamang ng benepisyo kay VP Duterte dahil nananatili ito sa puwesto sa kabila ng mabibigat na paratang ng maling paggamit ng pondo ng bayan.
“Justice delayed is justice denied. Habang hindi sinisimulan ang impeachment trial, mas nagkakaroon ng impresyon na pwedeng balewalain ang pananagutan sa gobyerno,” ayon pa sa kongresista.
Ipinahayag din niya ang pangamba na ang matagal na pagkaantala sa Senado ay maaaring magbukas ng pagkakataon sa panlabas na impluwensya, maling impormasyon, at mga pagtatangkang pahinain ang kaso.
“Kung patatagalin pa ito, hindi na ebidensya ang mananaig kundi pulitika. Mas dadami ang intriga, at mas mahirap ipaliwanag sa taumbayan kung bakit walang linaw ang proseso,” babala pa ng kinatawan ng Tingog Partylist.
Bilang pagbabalik-tanaw sa mga nakaraang impeachment cases, pinaalalahanan ni Acidre ang Senado na sa kasaysayan, walang hindi kinakailangang pagkaantala sa ganitong mga paglilitis, at binanggit ang mabilis na aksyon sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona.
“May mga naunang impeachment cases na mabilis na tinugunan ng Senado.l? May malinaw nang gabay sa ating Saligang Batas tungkol sa impeachment,” ipinunto pa ni Acidre.
Hinikayat niya ang Senado na gampanan ang kanilang constitutional duty at ipagpatuloy ang impeachment trial, na binibigyang-diin na ang pananagutan at hustisya ay hindi dapat nakasalalay sa political convenience.
“Impeachment is about upholding justice and ensuring that government officials remain accountable. Acting ‘forthwith’ is not just a legal and constitutional duty – it is a moral obligation. The Senate must act now,” giit pa ni Acidre.