Hontiveros Sen. Risa Hontiveros: “The arrest order vs. Pastor Quiboloy is out!”

Senado: Quiboloy arestuhin

126 Views

PIRMADO NA ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang warrant of arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ founder at lider, si Pastor Apollo Carreon Quiboloy, na ngayon ay nakatakda ng hulihin anumang oras, saanman siya naroroon.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, ang chair ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, na pormal ng pinirmahan ito ni Zubiri eksakto alas-2 ng hapon ng Marso 19.

“The arrest order vs. Pastor Quiboloy is out! Napapanahon na po ang pagpirmang ito ni Senador Zubiri lalo sa mga kababaihan na niyurakan ng dangal ni Quiboloy pati na ng kanilang karapatan.

Sa wakas ay napirmahan na ito sa kabila ng dambuhalang laban na ito na ating pinagdaanan,” ani Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, isang tagumpay para sa mga kababaihan ang pagpirmang ito ni Zubiri kung saan ay nagpasalamat din siya sa pinuno ng Senado.

Sinabi rin niya na posibleng magkaroon siya ng pagdinig kahit naka-break ang Kamara upang sa wakas ay mapakinggan umano ng lahat si Quiboloy sa kanyang bersyon at ito ay kaakibat din ng pagiimbita nilang gagawin sa ilang opisyales ng Anti-Money Laundering Council.

“Kahit naman po naka-break ang Kongreso ay patuloy pa rin kaming mga senador sa aming mga hearing at ito po ay nakaugalian ng praktis simula pa noon,” ani Hontiveros.

Ayon pa rin kay Hontiveros, kumpirmadong nakarating na sa kampo ni Quiboloy ang kanilang show cause ruling kung saan ay nagbigay ng sagot ang komite na hindi ito kumbinsido sa mga katuwirang inilahad ng kampo ng pastor at mga pangangatuwiran kung bakit patuloy niyang pinagwawalang bahala ang imbitasyon at subpoena ng Senado sa kabila ng makailang ulit na itong ipinadala sa kanya.

“Wala naman pong bago sa kanilang mga sinagot. Lahat po ay iniulit lang nila. They did nothing but rehash previous arguments,” ani Hontiveros na nagsabing parehong pangangatuwiran lamang din ang ibinigay sa kanya ng mga ito sa kanilang argumento.

Si Quiboloy ay pormal na nirerepresenta ng abogadong si Atty. Melanio Elvis Balayan na nagsabi sa kanyang argumento na hindi naman korte ang Senado at iyon aniya ang isang dahilan kung bakit hindi makatuwiran na i-cite in contempt ang kanyang kliyente.

Diumano, hinihiling din ng kampo ng pastor na dalhin ang bagay na ito sa plenaryo upang madesisyunan ang ruling ng show cause order ng Senado as a whole, kung saan ay boboto ang iba pang senador na hindi naman miyembro ng komite.

“Wala po ang ganitong bagay sa ruling ng Senado. Maging ang show cause order ay isinagawa natin bilang respeto kay Senator Robinhood Padilla at Senate President Juan Miguel Zubiri. Napagbigyan na po natin lahat ng kanilang kahilingan,” paglilinaw ni Hontiveros.

“Requiring Quiboloy to physically attend the committee hearings is tantamount to usurpation of judicial functions beyond the powers of the Senate,” ayon kay Balayan.

Sa legal na argumentong ginamit ng kampo ng pastor, sinabi nitong ang sinomang nadidiin sa kaso ay masasabing inosente pa rin hanggang walang pormal na deklarasyon ang korte ukol dito.

Ipinahayag din ng kampo na hindi totoong walang respeto ang kanilang kliyente sa komite dahil naniniwala silang talagang walang karapatan ang komite na magdeklara kung guilty or hindi si Quiboloy sa mga alegasyon na ibinabato sa kaniya.

Gayunman, kinontra ito ng komite ni Hontiveros at sinabing patuloy nilang ibinigay ang lahat ng kapritso ni Quiboloy pati na rin ang tatlong beses na imbitasyon kasama na ang subpoena na patuloy na pinagwalang bahala ni Quiboloy, bagkus ay nagbigay pa aniya ito ng 17 na mga kondisyones na dapat pirmahan at ipanotaryo pa ni Hontiveros at dapat ding pirmahan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Muntik na po tayong maniwala kay Atty. Ferdinand Topacio na kanyang abogado noong sabihin nito na fake news ang 17 sets of conditions ni Quiboloy ngunit napanood po natin mismo sa Gikan para sa Masa event ng vloggers na inamin ito mismo ni Quiboloy sa nasabing programa na ito talaga ang kaniyang kondisyones,” ani Hontiveros.

“Kaya ayaw ko. Kaya ayaw ng komite pagbigyan ‘yung mga bastos at contemptuous na mga actuations niya, precisely dahil ang Senado ay nagsasabi at ang Korte Suprema na rin ay nagsabi na well within its rights ang Senado magkondukta ng walang hadlang na imbestigasyon ayon sa sarili naming rules. Sa ngayon, at mananatiling ganito, consistent ang Senado na pinaninindigan namin itong mga usapin na ito,” dagdag pa ng senadora.

Ikinaila ni Hontiveros ang paratang ng kampo ni Quiboloy na kilos pampulitika ang dahilan kung bakit pinahaharap pilit si Quibloy sa pagdinig.

Dinagdag pa ng kampo na wala namang batas na maisasakatuparan sa ginagawang imbestigasyon bagkus ay nais lamang ipitin ang pastor dahil sa politikang nakapaloob dito na itinanggi naman ni Hontiveros at sinabing napakaraming nakita ng kanyang komite na dapat pagukulan ng pansin.

“Our existing law does not define the question of consent in rape and sexual under secretive charismatic religious organizations. Aside from the fact that religious volunteers are being abused which is against the labor law and occupational safety laws dahil maraming sa mga taong ito ay pinagpapalimos. Bukod pa ang human trafficking under the guise of religious activities,” paglalahad ni Hontiveros.

Gayunman, iginiit rin ni Hontiveros na lahat ng uri ng kaluwagan ay isinagawa na nila upang maipakita ang kanilang patas na trato at makatuwiran ang komite na gumagalang sa karapatan ninuman.

“Marami na tayong pagbibigay and considering all these, once again, I request for the Senate President to issue an arrest order against Apollo C. Quiboloy. He must show up, he must respect the institution of the Senate. Sa mga kasama ko sa Senado, huwag nating hayaang maliitin niya ang ating iniingatang institusyon. Kung hindi po tayo maninindigan sa kanyang tahasang pambabastos sa Senado, ewan ko kung saan tayo pupulutin,” ani Hontiveros.

Inamin din ni Hontiveros na humingi na siya ng tulong mismo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga posibilidad na mangyayari sa pagaaresto kay Quiboloy, sakaling may mga pagtutol na gawin ang ilan sa kanyang mga tagasunod.

“Buo ang paniniwala ko sa kahandaan at kakayahan ng OSAA bilang front line ng security ng Senado na gawin muli ang kanilang tungkulin, tulad ng pag-serve nila ng subpoena kay Quiboloy doon mismo sa address niya sa Davao. Tulad ng isinagot ng DILG sa isang hearing, kung hingin namin sa pamamagitan ng OSAA ang tulong ng PNP, ay pwedeng-pwede po naming hingin ‘yun. At tulad sa mga maraming pagkakataon noon na hiningi, pati ng aming komite, ang tulong ng PNP o ng NBI sa ganitong klaseng mga imbestigasyon, ay naging laan naman po sila na ipagkaloob iyan, kaya umaasa pa rin ako sa dati na nilang pagtulong,” saad ni Hontiveros.