Calendar
Senior high grad dapat ready to work na—Mayor Inday Sara
ISUSULONG ni vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte ang pagpapalakas ng programa sa senior high school upang ang mga hindi na papasok sa kolehiyo ay handa na para magtrabaho.
Ayon kay Duterte dapat maisama sa senior high school program ang pagbibigay ng sales training sa mga estudyante upang makatulong ang mga ito sa kanilang pamilya.
Sinabi ni Duterte na hindi lahat ng nagtapos ng senior high school ay gusto pang mag-kolehiyo kaya may mga pagkakataon na hindi rin tinatapos ng estudyante ang kanyang tertiary education.
“Dapat pagkatapos ng estudyante sa senior high school ay ‘sealed’ na sila — na ready to work na ang ating mga graduates ng basic education. ‘Yan po ang kailangan nating tutukan para po pagkatapos ng basic education ay pwede na makapagtrabaho kaagad,” sabi ni Duterte sa kanyang pakikipag-usap sa mga residente ng Bulacan.
Bukod sa mayroong estudyante na ayaw ng tumuloy sa kolehiyo, mayroon din umanong mga estudyante na gusto mang mag-aral ay kulang ang kakayanan ng pamilya upang ito ay mapagtapos kaya dapat palakasin din ang programa ng gobyerno para rito.
“Pagkatapos ng senior high school at kung gusto niyang dumeretso sa college ay pwede siyang tumuloy. Pwedeng two-year degree muna kasi ‘yun muna ang kaya, then after kung kaya niya na, ay tutuloy na siya. Diyan po hindi nasasayang ang pera ng mga pamilya na nagpapadala sa kanilang anak sa pagko-kolehiyo,” dagdag pa ni Duterte.