Chicago

Sining, tradisyong Pinoy nagningning sa AAPI Heritage exhibit

107 Views

Chicago1Chicago2MULING nagningning ang sining at tradisyong Pilipino sa ginanap na eksibisyong “Pagdiriwang ng mga Komunidad ng Asian American at Pacific Islander (AAPI)” noong Biyernes sa Chicago, Illinois.

Ang nasabing inisyatiba ay pinangunahan ng Office of Multilingual and Multicultural Education (OMME) ng Chicago Public Schools (CPS) at pormal na binuksan sa ilalim ng pamumuno ni Konsul Heneral Melanie Rita B. Diano.

Itinampok ng Konsulado Heneral ng Pilipinas ang isang makulay na cultural display na nagpapakita ng husay ng mga Pilipino, kabilang ang mga katutubong tela, habi, at tradisyonal na kasuotang Pilipino, kasama rin ang mga produktong gawa sa capiz, nilalang basket, ukit sa kahoy, at mga banig.

Ang mga lokal na banga o palayok na sumisimbolo sa sinaunang sining ng bansa.

Ayon sa Konsulado, ang pakikilahok na ito ay isang muling pagpapatibay sa kanilang pangako na itaguyod ang kontribusyon ng mga Pilipino sa loob ng sistemang pang-edukasyon ng Chicago.

Nakiisa rin ang mga komunidad mula sa Tsina, Hapon, Korea, Vietnam, Cambodia, Indonesia, Mongolia, Pakistan, India, Palestine, Jordan, at ang Rohingya Nation.

Dinaluhan ang seremonya ng mga Konsul Heneral mula sa Indonesia at Pakistan, gayundin ang mga miyembro ng Chicago Consular Corps.

Bukod sa mga visual display, naging tampok din sa kaganapan ang mga interaktibong aktibidad gaya ng henna art ng Pakistan at calligraphy ng Tsina at pagtatanghal ng pagkaing Asyano.