BBM2

Skills training para makapasok sa trabaho itinulak ni PBBM

228 Views

PINATUTUTUKAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng skills training sa mga Pilipino upang manatiling competitive ang mga ito sa paghahanap ng trabaho.

Sa kanyang pakikipag-usap sa Private Sector Advisory Council (PSAC), sinabi ni Marcos na bukod sa pagkakaroon ng college degree ay mahalaga ang pagkakaroon ng skills training.

“Yung micro-credentials, it’s not a four-year course. It’s not a degree. But you can present this to qualify for a job,” sabi ng Pangulo.

Ang dagdag na kakayanan umano ay magiging bentahe ng mga Pilipino sa ibang naghahanap ng trabaho.

“It’s really skills training. We have to upskill everybody. We need to have a system that will work with everyone,” ani Marcos.

Kahit na umano ang mga overseas Filipino workers (OFW) na nais ng umuwi sa bansa ay maganda kung mabibigyan ng pagsasanay.

Ayon kay Marcos mayroong 16 innovation center ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa upskilling ng mga Pilipino.

Dumalo sa pagtitipon sina Vice President Sara Duterte-Carpio, Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., Labor Secretary Bienvenido Laguesma at Trade Secretary Alfredo Pascual.

Naroon din sina Aboitiz Group CEO Sabin M. Aboitiz, JG Summit CEO Lance Y. Gokongwei, at mga kinatawan ng McKinsey & Company.