Rep. Johnny Ty Pimentel Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Ty Pimentel

Solon: Pagpatay sa Chinese drugs lords sa ilalim ng drug war ni DU30 bahagi ng ‘grand conspiracy’

84 Views

MAYROONG nakitang “grand conspiracy” umano si Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Ty Pimentel sa ginawang pagpatay sa mga nakakulong na Chinese drug lord sa panahon ng pamamahala ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa pinakahuling pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes, sinabi ni Pimentel na hindi maitatanggi na sangkot diumano ang ilang opisyal ng pamahalaan at kapulisan sa extrajudicial killings (EJK) na iniuugnay sa madugong war on drug campaign ng nakaraang administrasyon.

“I believe that this is a great conspiracy, it’s a grand conspiracy coming from the top to the bottom officials,” sabi ni Pimentel sa pagtatanong kay Leopoldo “Tata” Tan Jr., isa sa dalawang self-confessed hitmen na nag-ugnay kay Duterte sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lord sa loob ng maximum security facility sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016.

Nakasama umano ni Tan sa pagpapatay ang kakosa na si Fernando “Andy” Magdadaro at nakasabwat ang mga pulis gaya nina SPO4 Arturo “Art” Narsolis, Lt. Col. Royina Garma at Supt. Gerardo Padilla, na dating warden ng DPPF.

Sa mosyon ni Pimentel, pinaiimbita nito sa pagdinig ng komite ang mga nabanggit na indibidwal na binanggit nina Tan at Magdadaro.

Napansin ni Pimentel ang nakababahalang pattern umano sa ginawang pagpatay.

Sa 32 nakakulong na Chinese nationals dahil sa droga, tatlo lang ang nakakulong sa DPPF, habang ang 29 na iba ay napaulat na nasawi sa iba pang detention centers.

“This just shows, Mr. Chair, that there was really a pattern, systematic killing of Chinese drug lords in different detention centers,” ani Pimentel na iniugnay ang naturang mga pagkamatay sa kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.

Para mapatunayan, hiniling ni Pimentel sa Bureau of Corrections (BuCor) na isumite ang komprehensibong listahan ng Chinese nationals na namatay habang nagsisilbi ng kanilang sintensya sa mga kaso ukol sa droga mula 2016 hanggang 2017.

“I therefore move that we request the list from BuCor of those Chinese nationals charged for drug trafficking or whatever charges of drugs na namatay during the time of July 2016 up to the year 2017 para makita po natin ang pattern, ang systematic killings of Chinese drug lords,” sabi niya sa mosyon, na inaprubahan ng komite.

Ayon kay Pimentel, posibleng bahagi umano ng isang malawakang plano ang pagpatay sa mga Chinese drug lords sa iba’t ibang kulungan sa bansa at hindi malayo na diumano ay may kaugnayan dito ang mga nasa matataas na puwesto ng gobyerno.

“It was all over the country. Mahirap po gawin iyon—patayin mo ‘yung mga Chinese nationals na nakalagay sa iba-ibang bilangguan kung wala pong direct approval from the administration,” punto ng mambabatas.

Binigyang diin ni Pimentel na isa itong alegasyon na nangangailangan ng masusing imbestigasyon.

“I believe that there was a great conspiracy emanating from the leader itself all the way down to the small officials,” wika ni Pimentel.