Calendar
Sorsogon nagkulay Pasko sa pagsalubong sa UniTeam
LABIS-LABIS ang pasasalamat at paghanga ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga Bicolano sa mainit nilang pagsalubong sa pagbisita ng BBM-Sara UniTeam sa Sorsogon noong Biyernes.
Ang buong Sorsogon City Capitol compound ay nagkulay pula at berde nang dumagsa ang libu-libong supporters ng UniTeam.
“Napakataas ng araw at napakainit ng panahon pero ‘yung salubong pala na ibibigay n’yo sa akin ay mas mainit pa. Alam ko po na marami sa inyo ang maaga pa kaninang nandito. Nagtiyagang nakatayo sa ilalim ng araw, pero hindi na po bale, basta tayo ay nagkita at nagsama para tayo’y magkaisa sa ilalim ng UniTeam … Nagpapasalamat kaming lahat ng UniTeam,” ang running-mate ni Inday Sara Duterte.
Buong pagpakumbaba ang ipinaabot na pasasalamat ni Marcos dahil sa kabila ng sinasabing balwarte ng katunggali niya ang Bicol province, ramdam nito ang init na pagmamahal ng mga kababayan sa Bicolandia.
”Buhay na buhay ang Pasko dito sa Sorsogon, madaming bandera at T-shirt at iba’t ibang kulay pula at kulay green ang iwinawagayway. Nakatutuwang makita ang init ng salubong na inyong binigay. Maraming-maraming salamat po. Sabi ko kanina hindi natin balwarte ang Sorsogon kaya tingnan natin kung ano ang magiging audience. Nung narinig ko ang mga sigaw ninyo, tuwang-tuwa ako,” sabi pa niya.
Ang napakalaking bilang ng mga supporters na dumagsa sa Kapitolyo ay hindi rin magkamayaw sa pagsisigaw ng “BBM, BBM, BBM” kasabay ng pagwagayway sa banderang pula at berde na simbolo ng UniTeam.
Karamihan sa mga ito ay pumila na ng alas-6 ng umaga kahit batid nilang alas-2 pa ng tanghali darating sa Kapitolyo si Marcos.
Sinabi ng isang tricycle driver na kung ikukumpara ang nagdaang ‘campaign rally’ ng isang presidential candidate, hamak na mas marami ang dumagsa para tunghayan at magpakita ng suporta kay Marcos.
Kahit sa nakalipas na rally ni Leni Robredo ay mas higit na marami pa ang nagpakita at nagtungo sa Sorsogon rally ni Marcos.
Isang ginang ang humingi pa ng paumanhin dahil hindi ito nakapagsuot ng damit na kulay pula. Ipinaliwanag nitong papunta sana siya sa Kapitolyo para mag-asikaso ng ilang dokumento, ngunit nang malaman na darating ang iniidolong si Marcos, mabilisan nitong tinapos ang mga dapat gawin upang makapila sa napakagandang Plaza ng Kapitolyo ng probinsiya.
“Hindi nga ako naka-red kasi hindi ko alam na pupunta si BBM dito. Narinig ko lang habang nasa capitol ako kaya minadali ko na ‘yung inaayos ko para maabutan ko. Gustong-gusto ko siyang makita. Pinagdarasal ko lang na sana makaabot pa kami sa huling biyahe mamaya kasi sa bundok pa kami nakatira,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na kung hindi magbabago ang resulta ng mga survey, natitiyak na ang pagkapanalo ng kanyang ninong na si BBM.
Si Marcos ay ninong sa kasal sa naunang asawa na si Christine Elizabeth Flores. “Pero dahil hiwalay na kami ng aking ex-wife, ex-Ninong ko na rin si Bonget (palayaw ni Marcos),” pagbibiro ni Escudero na maligaya ngayon sa piling ng ikalawang asawa na si Heart Evangelista.