Calendar
Speaker Dy itinutulak mas pinaigting na paglaban sa malnutrisyon sa mga bata
BINIGYANG-DIIN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagsusulong ng Bagong Kongreso ng mga hakbang upang labanan ang malnutrisyon at matiyak ang mas malusog na kinabukasan ng mga batang Pilipino, kasunod ng pag-apruba ng Bicameral Conference Committee sa pinag-isang bersyon ng panukalang National Children’s Nutrition Act.
Kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month, isang mahalagang hakbang ang nagawa ng Kamara upang palawakin ang kasalukuyang feeding program ng pamahalaan at gawin itong isang komprehensibong pambansang programa para sa nutrisyon ng mga bata, mula sa yugto ng pagbubuntis hanggang sa kanilang paglaki at pag-aaral.
Ayon kay Speaker Dy, isa siya sa mga may-akda ng panukalang batas na naglalayong tiyakin na ang bawat batang Pilipino ay magkakaroon ng pagkakataong lumaki nang malusog, malakas at may magandang kinabukasan.
“Naniniwala ako na isa sa pinakamahalagang pamana na maibibigay natin sa susunod na henerasyon ay ang pagkakataong lumaki silang malusog, malakas, at may magandang kinabukasan,” pahayag ni Dy.
Binigyang-diin din ng Speaker na hindi dapat maging hadlang ang gutom at malnutrisyon sa pagtupad ng mga pangarap ng mga batang Pilipino.
Kaya naman, sa ilalim ng Bagong Kongreso, sinabi pa ni Speaker, na patuloy nilang isinusulong ang mga batas na magbibigay ng tunay na malasakit at mas magandang kinabukasan sa mga kabataan.
Pinag-isa ng panukalang batas ang House Bill No. 9466 at Senate Bill No. 2272 upang maitatag ang National Children’s Nutrition Program, na magpapalawak sa tradisyunal na school-based feeding program sa pamamagitan ng mas malawak at magkakaugnay na mga interbensiyon laban sa malnutrisyon.
Kabilang sa mahahalagang probisyon nito ang pagpapalawak ng feeding program para sa mga batang edad dalawa hanggang wala pang limang taong gulang.
Itinatakda rin ang regular na pagpapakain sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 3, habang bibigyan naman ng prayoridad sa feeding program ang mga mag-aaral sa Grades 4 hanggang 6 na nakararanas ng kakulangan sa nutrisyon.
Kasama rin sa programa ang mga buntis na kabataang nag-aaral at iba pang bulnerableng sektor na nangangailangan ng karagdagang suporta sa nutrisyon.
Bibigyang-pansin din ng panukala ang tinatawag na First 1,000 Days o unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata, na itinuturing na mahalagang yugto para sa kaniyang paglaki at pag-unlad.
Kabilang sa mga nakapaloob na programa ang regular na pagsusuri sa nutrisyon at paglaki ng bata, karagdagang pagpapainom ng gatas, pagbibigay ng micronutrient supplements, pagsusuri sa kalusugan at pagbabakuna.
Magpapatupad din ito ng mas pinaigting na mga hakbang laban sa stunting o pagkabansot dahil sa malnutrisyon at acute malnutrition, kasabay ng pagpapalawak ng edukasyon tungkol sa wastong nutrisyon, kalinisan at serbisyong pangkomunidad.
Bilang bahagi ng pagpapatupad, palalakasin din ang koordinasyon ng mga pambansang ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na implementasyon, pagsubaybay at pananagutan sa programa.
Hinihikayat din ng Speaker ang pakikilahok ng pribadong sektor at mga komunidad upang mas mapalawak ang mga serbisyong pangnutrisyon para sa mga bata.
Isa pang mahalagang probisyon ng panukala ang paglalaan ng hindi bababa sa 30 porsiyento ng kabuuang pangangailangan ng programa sa produktong agrikultural at pangisdaan mula mismo sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Bibigyang-prayoridad ang mga maliliit na magsasaka at mangingisda upang hindi lamang mapabuti ang nutrisyon ng mga bata kundi makatulong din sa kabuhayan ng mga lokal na prodyuser.
Papayagan lamang ang pagbili mula sa ibang lokal na magsasaka at mangingisda kung hindi sapat ang suplay ng mga maliliit na prodyuser upang matugunan ang kabuuang pangangailangan ng programa.
Sa pamamagitan ng panukalang batas, inaasahang mapalalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa gutom at malnutrisyon, habang sabay na sinusuportahan ang kalusugan ng mga bata at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

