Speaker Romualdez

Speaker Romualdez: Buwanang limit sa grocery discount ng seniors, PWD tataas ng P500 ngayong Marso

219 Views

SIMULA ngayong Marso ay tataas na sa P500 ang buwanang limit sa diskwento na nakukuha ng senior citizens at persons with disabilities (PWD) sa pagbili ng grocery at iba pang prime commodities katulad ng bigas, itlog, tinapay, at iba pa, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Nakipagpulong Martes ng gabi ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamumuno ni Usec. Carolina Sanchez kay Speaker Romualdez
upang ipaalam na sumusuporta sila sa suhestiyon ng lider ng Kongreso na itaas ang limit sa diskuwento ng seniors at PWDs.

“I am delighted to welcome the imminent implementation of increased discounts for our senior citizens and PWDs,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Nauna rito, hiniling ni Speaker Romualdez ang pagtataas sa 5 porsyentong diskwento na nakukuha ng mga seniors at PWDs na limitado lamang sa P65 kada linggo.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang anunsyo kaugnay ng pagtataas ng discount limit sa P125 kada linggo o P500 kada buwan ay sumunod sa ginawang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas kung saan ang mga Pilipino na magdiriwang ng kanilang ika-80, 85, 90, at 95 kaarawan ay makatatanggap ng tig-P10,000.

“Patunay po ito na ang administrasyon PBBM ay patuloy na naghahanap ng mga paraan para mapagaan ang pasanin sa buhay ng bawat Pilipino”, sabi pa ni Speaker Romualdez.

Sinabi ni Speaker Romualdez na nakikipag-ugnayan ang liderato ng Kamara kay Pangulong Marcos upang matupad ang pagnanais nito na magkaroon ng malasakit at pantay na lipunan.

“We’re working so that the usual P65 per week discount for senior citizens and PWDs may be increased to P125,” sabi ni Sanchez.

Bagamat nasa proseso pa ng konsultasyon, sinabi ni Sanchez na inaasahan na maipatutupad ang pagtataas sa buwanang discount limit sa Marso.

“It’s a joint issuance between the DA (Department of Agriculture), DTI and the DOE (Department of Energy),” paliwanag ni Sanchez.

Nilinaw naman ni Sanchez na ang kasama lamang sa binibigyan ng diskwento ay ang mga pangunahing bilihin at prime commodities gaya ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at fresh o processed milk, maliban sa mga medical grade milk.

Kasali rin ang mga manufactured goods gaya ng processed meat, sardinas, at corned beef pero hindi kasali ang mga premium brands.

Ang mga senior citizens at PWDs ay bibigyan din ng diskwento sa pagbili ng pangunahing construction supplies gaya ng semento, hollow blocks, electrical supplies kasama ang bombilya.

Ang mga premium items kasama ang mga non-essential food gaya ng cake at pastries ay hindi kasali sa bibigyan ng diskwento, ayon kay Sanchez.

Kapag naipalabas na umano ang inter-agency circular, sinabi ni Sanchez na ilalathala ng DTI ang listahan ng mga item na kasali sa ibibigay na diskwento.

“I commend the efforts of the DTI and other concerned agencies for their diligence and commitment to advancing this crucial initiative. Their dedication to ensuring the timely implementation of these increased discounts is truly commendable and reflects our shared vision of a more inclusive and caring nation,” sabi ni Speaker Romualdez.