Calendar

Speaker Romualdez hinamon mga Pilipino: Magboluntaryo sa Coast Guard
NANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga Pilipino na aktibong makilahok sa pagtatanggol ng teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Romualdez, na kamakailan ay na-promote bilang Auxiliary Vice Admiral ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA), ang tumitinding tensyon sa WPS, sanhi ng mga ginagawa ng China at disinformation gaya ng pagkakalat na ang Palawan ay dating bahagi ng China, ay nangangailangan ng pagkilos ng mga mamamayan gaya ng boluntaryong pagsali sa PCGA at pakikiisa sa pangangalaga sa soberanya ng Pilipinas.
“Hindi na ito panahon para magsawalang-kibo. Araw-araw, sinusubukan ng ibang bansa na angkinin ang ating karagatan. Kung tayo mismo ay hindi kikilos, sino pa ang magtatanggol sa atin?” saad ng pinuno ng Kamara na binubuo ng 306-kinatawan.
Lalong tumindi ang agresibong kilos ng China, kung saan kamakailan ay sinubukan ng China Coast Guard na harangin ang isang sibilyang bangka ng Pilipinas na maghahatid ng suplay sa BRP Sierra Madre sa Second Thomas Shoal.
Patuloy ding tinataboy ang mga Pilipinong mangingisda, habang ang mga sasakyang pandagat ng Chinese militia ay nananatiling banta sa loob ng katubigan ng Pilipinas.
“Walang bansang may karapatang mangharang ng ating mga sundalo, mangingisda, at kababayan sa sarili nating dagat. Hindi natin ito ipagpapalit sa takot o sa bulong ng iba. Ang West Philippine Sea ay atin—hindi lang sa papel, kundi sa tunay na buhay,” diin ni Speaker Romualdez.
Nagbabala rin siya na ang China ay lumulusob sa dalawang paraan—gamit ang agresyong militar sa karagatan at disinformation sa internet upang pahinain ang paninindigan ng bansa at pagwatak-watakin ang mga Pilipino.
“Ginagamit nila hindi lang ang barko, kundi pati ang internet para pasunurin tayo. Isang araw, gigising na lang tayo at sinasabi na nilang hindi sa atin ang Palawan. Hindi natin ito palalampasin,” giit ng Speaker.
Iginiit ni Speaker Romualdez na ang pangangalaga sa territorial integrity ng bansa ay hindi lamang responsibilidad ng militar.
Ayon sa kanya, nagbibigay ang PCGA ng pagkakataon sa mga sibilyan na makibahagi sa pambansang depensa, seguridad sa karagatan, pangangalaga sa kalikasan at pagtugon sa mga sakuna.
Tumutulong ang mga volunteer sa search and rescue missions, coastal cleanups at marine biodiversity conservation.
Nagbibigay rin sila ng kaalaman sa mga lokal na komunidad tungkol sa kaligtasan sa karagatan at nagbabantay laban sa ilegal na aktibidad sa dagat.
Sa panahon ng sakuna, ang mga kasapi ng PCGA ay katuwang sa relief operations at emergency evacuations.
“Ang paglilingkod sa bayan ay hindi lang para sa mga nakauniporme. Lahat tayo may magagawa. Sa pagsali sa PCGA, mas marami tayong nagbabantay, mas malakas ang ating depensa,” ani Speaker Romualdez.
Tumatanggap ang PCGA ng mga Pilipino na edad 18 pataas, lalo na ang may karanasan sa maritime affairs, environmental conservation at public safety.
Ang mga nais mag-apply ay kailangang magsumite ng application form, picture at dumaan sa orientation seminar.
Ang mga nasa Metro Manila ay maaaring makipag-ugnayan sa 109th PCGA Squadron Office sa Sta. Cruz, Manila, o sa Coast Guard Auxiliary District NCR-Central Luzon sa Pasay City.
Nagpahayag ng tiwala si Speaker Romualdez na tutugon ang mga Pilipino sa panawagang ito, lalo na’t ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey na kinomisyon ng Stratbase Group, 77 porsyento ng mga Pilipino ang sumusuporta sa pagpapalakas ng pambansang depensa sa pamamagitan ng international alliance, joint patrols at military exercises.
“Ang laban sa West Philippine Sea ay hindi lang laban ng gobyerno. Laban ito ng buong sambayanan. At kung gusto natin ng mga lider na ipaglalaban ang ating karapatan, tayo mismo ang dapat manguna,” diin ng Speaker.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang laban para sa soberanya ay hindi lang sa karagatan kundi maging sa larangan ng pampublikong diskurso. Binalaan niya ang publiko laban sa disimpormasyong nililikha upang pahinain ang pag-angkin ng Pilipinas sa teritoryo nito.
“Huwag tayong magpalinlang. Hindi lang sa dagat ginaganap ang laban para sa ating soberanya, kundi pati na rin sa ating isipan. Lahat tayo ay may tungkuling ipaglaban ang katotohanan at ang ating karapatan,” aniya.
Hinimok niya ang mga Pilipino na sumali sa PCGA, binigyang-diin na ang pagtatanggol sa bansa ay hindi lang tungkulin ng gobyerno kundi responsibilidad ng lahat.
Dahil patuloy ang pananakop ng dayuhan, sinabi niyang kailanman ay hindi naging mas mahalaga ang pakikibahagi ng sibilyan.
“Kung hindi tayo kikilos ngayon, kailan pa? Hindi tayo dapat maghintay ng panibagong insidente, panibagong pambabastos, panibagong banta bago tayo gumalaw,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Dagdag pa niya, “Ngayon ang panahon. Ngayon ang laban. Ang ating karagatan ay bahagi ng ating buhay, ng ating pagka-Pilipino, at nasa ating kamay ang tungkuling ipagtanggol ito.”