Martin1

Speaker Romualdez hindi naman miyembro ng bicam pero siya ang kinasuhan

14 Views

KINUWESTYON ng ilang miyembro ng Kamara de Representantes noong Martes kung bakit kasama si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa kasong katiwalian na isinampa sa Ombudsman kaugnay sa umano’y iregularidad sa report ng 2025 national budget gayung hindi naman ito miyembro ng bicameral conference committee.

Ito ang kapwa katanungan nina Taguig City Rep. Pammy Zamora at 1RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez na nagtataka rin kung bakit wala ring kinasuhang senador, na kasama sa bicam.

“The Speaker isn’t even part of the Bicam. So, sana po nilinaw po nila yung kinasuhan nila. Kung tungkol talaga sa bicam ang kanilang kaso, hindi po parte ng bicam ang Speaker,” pahayag ni Zamora.

Ang reklamo ay isinampa sa pangunguna ni dating Speaker Pantaleon Alvarez, kasama ang mga kaalyado ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kaugnay sa umano’y pagsisingit ng mga probisyon na hindi kasama sa inaprubahan at nilagdaan sa bicameral conference.

Kinuwestyon ni Gutierrez na tila miyembro lamang ng Kamara ang pinuntirya, “If you also look at the cast of characters, bakit… yung House lang po yung respondents.”

“These are just some questions that I think siguro dapat maitanong ng taongbayan in relation to the context of the filing of that case,” dagdag pa ni Gutierrez.

Punto pa niya, na si Alvarez, na ngayon ay nagrereklamo, ay miyembro rin ng Kamara nang ipasa ang budget na dapat ay una ng umalma noon pa.

“We stand by ‘yung sinabi po ng ating leadership, we stand by po ‘yung sinabi ni acting Chair [Stella] Quimbo na ginawa naman lahat ito with authority ng bicam,” giit Gutierrez.

Ito ay nagpapakita ng paninindigan ng liderato ng Kamara na lahat ng naging hakbang ay naaayon sa itinakdang mga proseso ng bicam.

Ang bicameral conference committee, na binubuo ng mga miyembro mula sa Kamara at Senado, ay may tungkuling pag-isahin ang mga pagkakaiba sa kani-kanilang bersyon ng panukalang budget. Ang pinal na bersyon ay kailangang ratipikahan ng parehong kapulungan bago ito pirmahan ng Pangulo upang maging batas.

Una ng dinepensahan ni House Committee on Appropriations Acting Chairperson Rep. Stella Quimbo ang proseso ng budget, iginiit niyang lahat ng halagang nakapaloob sa bicam report ay natukoy bago ito pinirmahan. Binigyang-diin niya na ang 2025 budget ay ayon sa batas at lehitimo.

Tiniyak din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang blankong item sa 2025 GAA, na sumasalungat sa mga alegasyon mula sa iba’t ibang grupo.

Nakakatiyak naman si Zamora na ang mga alegasyong ito ay mabibigyang linaw sa korte, “We’ll leave it to the courts para sa pag-andar nun, ang House leadership naman ready naman to answer anything at any time.”