Martin

Speaker Romualdez hinimok kabataang Pinoy na magpa-reshistro

Mar Rodriguez Feb 21, 2024
180 Views

Para sa 2025 mid-term elections

HABANG papalapit ang 2025 midterm elections, hinikayat ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga kabataan na aktibong makibahagi sa democratic process sa pamamagitan ng pagpaparehistro bilang botante at bomoto sa darating na halalan.

Pebrero 12 nang buksan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpaparehistro para sa 2025 midtem election na magtatapos naman sa Setyembre 30 ngayong taon.

Sa pamamagitan ng Register Anywhere Program ng COMELEC, maaaring magparehistro ang isang indibidwal sa itinalagang registration site katulad sa tanggapan ng Comelec at satellite office nito, mall, at special registration area tulad ng simbahan at plaza.

Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga batang botante sa paghubog ng bansa, binigyang diin ni Speaker Romualdez ang importansya ng kanilang pakikibahagi sa electoral process.

Iginiit nito na hindi lamang paghahanda sa kanilang tungkulin bilang miyembro ng lipunan ang pagpaparehistro bilang botante kundi paraan rin upang marinig ang kanilang mga tinig para sa pagbabago.

“The youth are the backbone of our nation’s future. Their active participation in the upcoming elections is crucial in ensuring that their concerns, aspirations, and vision for the country are represented and addressed by our leaders,” sinabi ni Speaker Romualdez na pinuno ng mahigit tatlong daang miyembro ng Kamara de Representantes.

Sa pinakahuling datos ng Comelec, nagkaroong malaking pagtaas sa bilang ng nagpapa-rehistrong kabataan.

Gayunpaman, malaking bilang pa rin ng mga kabataan na maaaring bomoto ang hindi pa nagpapa-rehistro.

Kasabay ng pagbibigay-diin na ang pagpapareshistro para makaboto ay bahagi ng karapatan at responsibilidad para sa kinabukasan ng bayan, hinimok ni Speaker Romualdez ang mga nakababatang Pilipino na samantalahin ang pagkakataon na magdala ng pagbabago at tumulong sa paglalatag ng direksyon ng bansa.

Bilang bahagi ng kaniyang adbokasiya, plano ni Speaker Romualdez na maglunsad ng serye ng voter registration drive at pagbibigay impormasyon sa mga institusyong pang akademya, youth organization at mga komumidad sa buong bansa.

Ang mga inisyatibang ito ay magbibigay ng impormasyon na makakatulong sa pagpaparehistro ng mga kabataan para sa pagtataguyod ng isang matatag, inklusibong demokrasya at mas magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon.

Inaasahan ng poll body na aabot sa tatlong milyong Pilipino ang magpaparehistro bilang bagong mga botante para sa 2025 elections.

Sa katatapos lang na 2023 barangay at Sangguniang Kabataan elections, nakapagtala ang COMELEC ng 91,912,429 rehistradong botante mula sa 201,799 clustered precincts at 37,524 voting centers.