Calendar

Speaker Romualdez kinilala irrigators associations bilang bayani sa agrikultura
KINILALA ni Speaker Martin G. Romualdez ang mahalagang papel ng mga irrigators association (IA) na itinuturing na mga “bayani ng agrikultura” sa kanilang pagpapatibay sa seguridad ng pagkain sa bansa.
Sa harap ng daan-daang irrigators at magsasaka na nagtipon para sa 2025 Nationwide NIA-IA Congress na ginanap sa Canyon Woods Resort Club sa Laurel, Batangas noong Miyerkules, ipinahayag ni Speaker Romualdez ang buong suporta ng Kamara de Representantes sa paglikha ng mga batas upang mapabuti ang kanilang kalagayan at matugunan ang kanilang mga matagal nang suliranin.
“Hindi lang ito seminar. Hindi lang ito palitan ng mga plano. Ito ay pagtitipon ng mga tunay na bayani ng agrikultura – kayo,” ani Speaker Romualdez.
Pinangunahan ni NIA Administrator Eduardo Guillen ang pagtitipon na naglalayong palakasin ang ugnayan ng mga irrigator, ahensya ng gobyerno, at mga mambabatas.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel ng irigasyon sa kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino, at direktang inuugnay ang sapat na suplay ng tubig sa seguridad sa pagkain sa buong bansa.
“Hindi na po kailangang ipaliwanag pa kung gaano kahalaga ang papel ng patubig sa buhay ng magsasaka. Kung walang patubig, walang ani. Kung walang ani, walang pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino,” giit pa ng kongresista.
Tiniyak din ni Speaker Romualdez sa mga pinuno ng IA na kinikilala ng Kongreso ang kanilang pagsisikap at sakripisyo, idiniin ang kanilang mahalagang ginagampanan sa ekonomiya, lalo na sa kabila ng patuloy na hamon sa sektor ng agrikultura.
“Kinikilala namin ang inyong sakripisyo at kontribusyon sa ating ekonomiya. Kayong mga kasapi ng IAs ay katuwang namin sa pagtataguyod ng food security ng bansa. Sa Kongreso, tinuturing namin kayong mga frontliners ng food supply chain,” ayon pa sa lider ng Kamara de Representantes.
Ipinahayag din ni Speaker Romualdez na kaniyang nauunawaan ang mga problema ng mga magsasaka na narinig niya sa mga pagbisita sa komunidad. Kabilang dito ang mga isyu sa subsidies, insurance, water permit fees,at scholarships para sa kanilang mga anak.
“Narinig ko ang mga hinaing ninyo – mula sa farm inputs, makinarya, at subsidiya, hanggang sa insurance, water permit fees, at scholarship para sa mga anak ninyo. Lahat ng ito ay lehitimo.
Hindi ito luho, ito’y pangangailangan,” saad niya.
Upang matugunan ang mga ito, nangako si Speaker Romualdez na personal niyang tututukan ang mga nakabinbing panukalang batas at ang pagbalangkas ng mga patakaran at badyet sa agrikultura, upang matiyak na maririnig ang boses ng mga magsasaka at mananatiling sentro ng mga prosesong ito.
“Bilang Speaker, personal kong tututukan ang mga panukalang batas na makakatugon sa inyong mga pangangailangan. Sa pagbuo ng mga bagong polisiya at badyet para sa agrikultura, sisiguraduhin kong may puwang ang boses ng magsasaka,” pagtitiyak pa ng mambababtas mula sa Leyte.
Hinikayat din niya ang mga lider ng IAs at mga samahan ng magsasaka na makilahok sa mga talakayan at deliberasyon sa Kongreso upang matiyak na ang mga batas na ipapasa ay tunay na sumasalamin sa kanilang pangangailangan.
“Hinihikayat ko kayo – mga lider ng IAs, mga organisasyon ng magsasaka – makilahok kayo sa mga pagdinig sa Kongreso. Sumali kayo sa deliberasyon. Sabihin ninyo mismo kung anong klaseng batas ang kailangan ninyo,” dagdag niya.
Pinaalalahanan ni Speaker Romualdez ang sektor ng agrikultura na huwag mag-atubiling ipahayag ang kanilang saloobin sa mga mambabatas, kasabay ng pagbibigay-diin na ang House of Representatives sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nakatuon sa pagsasalin ng kanilang mga pangangailangan sa makabuluhang mga batas at patakaran.
“Huwag kayong mahiyang magsalita. Hindi lang kayo tagapakinig. Kayo ang dahilan kung bakit may mga batas na kailangang likhain. At sa ilalim ng aking pamumuno sa House of Representatives, sisiguraduhin kong maririnig ang tinig ninyo,” aniya.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, binigyang-diin ng pinuno ng Kamara na ang tunay na pag-unlad ng “Bagong Pilipinas” ay nangangailangan ng tunay na pag-angat ng sektor ng agrikultura at ng mga komunidad na umaasa rito.
“Habang ako po ang inyong Speaker, you can count on me to fight for you, to stand with you and to make sure that your voices turn into action, and your needs into legislation,” pangako ni Speaker Romualdez.