Martin

Speaker Romualdez: Mataas na rating magsisilbing motibasyon, inspirasyon

48 Views

Para ipatuloy paglilingkod para sa kapakinabangan ng mamamayan

INIUGNAY ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang natanggap nitong mataas na trust ratings sa OCTA Research second quarter survey sa sama-samang pagsisikap ng mga miyembro ng Kamara de Representantes na makalikha ng mga batas na direktang makatutulong sa pagpapaunlad ng sambayanang Pilipino.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang tagumpay na ito ay magsisilbing motibasyon at inspirasyon sa kanya at sa mga kasamahan sa Kamara upang ipagpatuloy ang paglilingkod at paglikha ng mga batas para sa kapakinabangan ng mamamayan.

“We attribute these positive trust ratings to the collaborative efforts of the House in passing pro-people legislation and conducting thorough oversight functions to address critical national issues,” ani Speaker Romualdez.

Ipinapaabot din ng pinuno ng Kamara ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mamamayang Pilipino sa patuloy na pagtitiwala at suporta at muling pinagtibay ang pangako na gagampanan ang kanyang mandato bilang Speaker at miyembro ng Kongreso.

“Tayo ay lubos na nagpapasalamat sa sambayanang Pilipino sa pagtitiwalang patuloy nilang ibinibigay sa ating liderato sa Kongreso. It is both humbling and inspiring for me. Your faith in our work in Congress is a constant reminder of the immense responsibility we carry in serving this nation,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

“It affirms that we are on the right track and, more importantly, that our efforts to pass laws and initiatives that improve the lives of our fellow Filipinos are resonating with the public. Tayo ay grateful dito at nananatili ang ating dedikasyon na higitan pa ang ating nagawa sa Kongreso,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara na binubuo ng higit sa 300 kinatawan.

Ang second quarter survey ng OCTA Research, na isinagawa mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 5, ay nagpapakita ng pagtaas ng trust rating ni Speaker Romualdez mula 61 percent noong Marso hanggang 62 percent sa pinakahuling survey, dulot ng 9 percentage points na pagtaas ng ratings nito sa Mindanao, mula 42 percent hanggang 51 percent.

Binanggit ni Speaker Romualdez na ang natanggap na pagtaas sa trust ratings ay isa ring hamon sa kanya at mga kasamahang mambabatas sa Kamara ng higit pang pagsisikap na bumuo ng mga makabuluhang batas na pakikinabangan ng mga tao at tumutugon sa mga isyung panlipunan tulad ng Philippine offshore gaming operation (POGO), ilegal na droga at extrajudicial killings.

“Whether in addressing economic challenges, enhancing public services, or securing the welfare of every Filipino, we will continue to work diligently to bring positive change to every corner of our nation,” saad pa niya.

“Para sa aking mga kasama dito sa Kongreso, ito ay tagumpay nating lahat. This reflects the hard work and dedication each of you puts into your role. Together, we will continue to foster an environment of collaboration and inclusivity, working not for personal gain but for the betterment of our country and the Filipino people,” giit pa ni Speaker Romualdez.