Martin4

Speaker Romualdez muling inihalal bilang pangulo ng Lakas-CMD

219 Views

MULING naluklok bilang pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Kumpiyansa si Romualdez na sa kanyang pagkakaluklok kasama ang iba pang opisyal ng Lakas-CMD ay mas titibay ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa isinusulong nitong Agenda for Prosperity at socio-economic roadmap na inaasahang magdadala ng pag-unlad sa mga Pilipino.

“We hope to further grow our membership with new recruits who share our ideals, programs and goals, and aspirations for our people and our nation,” ani Speaker Romualdez.

Ang Lakas-CMD ay mayroong 68 miyembro sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kasalukuyan bukod pa sa daan-daang miyembro nito na naka-upo sa iba’t ibang posisyon sa lokal na pamahalaan.

Nanatili namang chairperson ng partido si Vice President at Education Sec. Sara Duterte.

Nahalal din si dating Pangulo at ngayon ay Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo ng Pampanga bilang chairperson emeritus at si dating Speaker Jose de Venecia Jr. bilang co-chairperson emeritus.

Si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ay nahalal na co-chairperson, si Capiz Gov. Fredenil Castro ang vice chairperson, at si House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ang naluklok na executive vice president.

Nahalal din sina Representatives Jose Aquino ll ng Agusan del Norte bilang secretary general; Samantha Santos ng North Cotabato bilang deputy secretary general; at si David Suarez ng Quezon bilang treasurer.

Ang mga nailuklok na opisyal ay siya ring uupo bilang mga miyembro ng national executive committee.

Binuo rin ng partido ang isang national advisory council na makakatulong ng executive committee.

Kabilang sa mga miyembro nito sina dating representatives Juan Miguel Arroyo, Diosdado Ignacio Arroyo, Lourdes Arroyo, Prospero Pichay Jr. Wilter Wee Palma, Aleta Suarez, Hector Sanchez, Paz Radaza, Leonardo Babasa Jr., Anthony Peter Crisologo, Mari Grace Preciosa Castelo, at Sandra Eriguel.

Naroon din sina dating Executive secretary Eduardo Ermita, dating Secretaries Gabriel Claudio at Nasser Pangandaman Sr., at Agriculture Undersecretary Zamzamin Pamintuan.