Calendar

Speaker Romualdez: P20/kilo na bigas hindi na lang pangako kundi polisiya na sa ilalim ni PBBM
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang programa ng Department of Agriculture (DA) upang makapagbenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo na isa umanong mahalagang hakbang tungo sa pagkakaroon ng seguridad sa pagkain at pang-ekonomiyang katarungan para sa mga pamilyang Pilipino.
Sinabi ni Speaker Romualdez na lubos ang suporta ng Kamara sa inisyatibang ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ito’y isusulong na magtuloy-tuloy at maging pangmatagalang pambansang polisiya, hindi lamang isang pilot project ng gobyerno.
“This is not a one-time rollout. This is the beginning of a national transformation. President Marcos is showing us that with political will and smart budgeting, P20/kilo rice is not just possible—it’s happening,” ani Speaker Romualdez.
Sinimulan ng DA ang pamamahagi ng bigas na ibebenta sa halagang P20 kada kilo sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA). Ang bigas ay binili mula sa mga lokal na magsasaka.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na susuportahan at palalawakin ng Kongreso ang modelong ito, sa pagbili ng bigas mula sa mga magsasaka sa patas na presyo at pagbebenta sa mga mamamayang mababa ang kita sa subsidized na halaga.
“We will allocate the necessary funds to scale this program nationwide through the 2026 General Appropriations Act,” ani Speaker Romualdez. “This kind of ayuda uplifts everyone—consumers, farmers, and the economy.”
Sinabi rin ni Speaker Romualdez na pinag-aaralan ng Kamara ang pagsasama-sama at pag-aayon ng mga umiiral na programa, gaya ng 4Ps, food assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Rice Program ng DA, upang makabuo ng isang pinagsama-samang Rice Assistance Fund.
Ang pondong ito, ayon kay Speaker Romualdez, ang magbibigay-kapangyarihan sa NFA upang patatagin ang suplay ng bigas na ibebenta sa halagang P20 kada kilo sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
“We will also consider tapping AKAP and other targeted subsidy programs as complementary channels to reach the near-poor and vulnerable,” dagdag ni Speaker Romualdez.
Tiniyak ni Speaker Romualdez sa publiko na ang Kamara, kaagapay ang Ehekutibo, ay titiyakin na ang pagpapatupad ng P20/kilo na programa sa bigas ay magiging mahusay, transparent at ligtas mula sa katiwalian o pang-aabuso, sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya gaya ng integration sa national ID, e-vouchers at digital monitoring.
“No Filipino should go hungry when our farmers are ready to feed the nation. P20/kilo rice is not a fantasy—it’s a question of priority. And it is a top priority under this administration,” ani Speaker Romualdez.
Pinuri rin ni Speaker Romualdez si Pangulong Marcos Jr. sa pamumuno sa pagsusulong ng mga matapang at makataong solusyon upang tugunan ang inflation at kakulangan sa pagkain.
“President Marcos is turning a vision into action. The House of the People stands solidly behind him as we turn this action into permanent policy,” pagtatapos ni Speaker Romualdez.