Calendar

Speaker Romualdez: Pandaigdigang pagkakaisa kailangan sa laban kontra AI-powered misinformation, cyber threats
NAGBABALA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa lumalaking panganib na dulot ng paggamit sa artificial intelligence (AI) bilang armas sa pagpapakalat ng maling impormasyon, impluwensyahan ang pulitika, at pahinain ang mga demokratikong institusyon.
Nanawagan si Speaker Romualdez ng agarang pandaigdigang pagkilos at kooperasyong pambatas upang matugunan ang bantang ito.
Sa kanyang talumpati sa 29th Parliamentary Intelligence-Security Forum sa Madrid noong hapon ng Huwebes (oras sa Pilipinas), hinikayat ni Romualdez ang mga parlamento sa buong mundo na harapin ang mga “unseen battles” na isinasagawa sa pamamagitan ng manipulasyon ng datos, cyberattacks at AI-generated propaganda.
“In an age when misinformation, cyber warfare, and AI disruption threaten the very fabric of our societies, the need for vigilance and unity among democracies has never been greater,” ani Romualdez.
Binigyang-diin niya ang resolusyong pinangunahan ng Pilipinas sa 45th ASEAN Inter-Parliamentary Assembly, na nananawagan ng magkakaugnay na pambansang estratehiya sa responsableng paggamit ng AI, alinsunod sa ASEAN Digital Masterplan.
Ang pinagtibay na resolusyong ito ay humihimok sa mga miyembrong estado na isulong ang inobasyon sa AI habang pinangangalagaan ang mamamayan laban sa pang-aabuso at manipulasyon.
Binanggit din ni Romualdez ang mahalagang papel ng mga mambabatas sa pagtitiyak na ang mga digital na teknolohiya ay mananatiling kasangkapan para sa pag-unlad—at hindi magiging sandata ng pagkakawatak-watak.
Nanawagan siya para sa mas marami pang transnasyonal na mga balangkas upang i-regulate ang mga tech platform, paigtingin ang literacy sa impormasyon, at palakasin ang kakayahan ng lipunan laban sa deepfakes at synthetic media.
“Forums like the PI-SF allow us to expand these initiatives globally. Here, we are not merely exchanging intelligence—we are building solidarity, mutual understanding, and the legislative muscle to defend freedom and prosperity in this rapidly shifting world,” diin ng Speaker.
Ang PI-SF, na inorganisa ng Senado ng Espanya at pinamumunuan ni dating US Congressman Robert Pittenger, ay nagtitipon ng mga mambabatas at eksperto sa seguridad upang bumuo ng consensus sa pagtugon sa mga pandaigdigang hamon sa larangan ng intelihensiya at cybersecurity.