Martin PROKLAMASYON – Opisyal na kinumpirma ng Comelec Provincial Board of Canvassers, sa pangunguna ni Atty. Ma. Goretti Caseñas-Cañas, ang panalo ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa sesyon nito hapon ng Martes sa New Provincial Capitol sa Palo, Leyte. Nasa larawan din sina Vice Chairperson Atty. Arlene Cordovez at Member-Secretary Marisa Magan. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez: Patuloy tayong maghahatid ng proyekto, malasakit sa bawat bgy, tahanan

14 Views

IPRINOKLAMA ng Commission on Elections (Comelec) ang pagkapanalo ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Martes bilang kongresista sa unang distrito ng Leyte sa katatapos na midterm elections.

Walang lumaban kay Speaker Romualdez, na siya ring pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD). Ito na ang kanyang ikatlong sunod na termino at pang-anim sa kanyang kabuuang political career.

Opisyal na kinumpirma ng Comelec Provincial Board of Canvassers, sa pangunguna ni Atty. Ma. Goretti Caseñas-Cañas, ang panalo ni Speaker Romualdez sa sesyon nito nitong Martes sa New Provincial Capitol sa Palo, Leyte.

Matapos ang kanyang proklamasyon, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Speaker Romualdez sa mga mamamayan ng unang distrito ng Leyte.

“Lubos po akong nagpapasalamat sa mga kababayan ko sa Leyte First District, lalo na sa Tacloban City, sa panibagong pagkakataon na maglingkod,” ani Speaker Romualdez.

“Ito pong pagkapanalo ay hindi tagumpay ko, kundi tagumpay ng buong distrito natin—ng bawat pamilyang Waray na patuloy na nagtitiwala sa ating pamumuno. Sa tulong ninyo, mas lalakas pa ang tinig ng Leyte sa Kongreso. Mas marami tayong magagawa, mas marami tayong matutulungan,” dagdag pa niya.

Bilang House Speaker, nangako siyang itutuloy ang pagsusulong ng mga batas na nagtataguyod ng inklusibong pag-unlad at katatagan ng ekonomiya, habang patuloy na inuuna ang kapakanan ng kanyang mga nasasakupan sa Leyte.

“Tinitiyak ko po: hindi masasayang ang tiwala ninyo. Patuloy tayong maghahatid ng proyekto, programa, at malasakit sa bawat barangay, bawat tahanan. Ang Leyte First District ay patuloy na magiging modelo ng pagbangon, pag-unlad, at maayos na pamamahala,” wika ni Speaker Romualdez.

Sinasaklaw ng unang distrito ng Leyte ang Tacloban City at mga bayan ng Palo, Alangalang, Babatngon, San Miguel, Santa Fe, Tanauan at Tolosa.

“Ang Tacloban, bilang puso ng Eastern Visayas, ay mananatiling sentro ng ating mga plano. Mula imprastraktura hanggang serbisyong panlipunan, tuloy-tuloy ang pag-asenso,” dagdag ni Speaker Romualdez.

Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, nakapasa ang Kamara ng 75 pambansang batas at 112 lokal na batas, kabilang ang 30 prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), at walo sa mga ito ay tuwirang sumusuporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kaunlaran ng bansa.

Malaki ang naging papel ni Speaker Romualdez sa pagpasa ng mahahalagang batas tulad ng SIM Registration Act, Maharlika Investment Fund, New Agrarian Emancipation Act at iba pa.

Pinamunuan rin ng House sa ilalim ng ika-19 na Kongreso ang mga high-profile na imbestigasyon, kabilang ang pagsisiyasat sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President; mga Philippine offshore gaming operation (POGO), ilegal na droga, mataas na presyo ng bigas at iba pang pagkain, tumataas na halaga ng kuryente, at iba pa.

May mga naisabatas rin siyang panukala na may direktang positibong epekto sa mga taga-Leyte, gaya ng:

Republic Act (RA) No. 11567 – Pagpapalit ng pangalan ng Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City tungo sa Eastern Visayas Medical Center at pagpapalawak ng kapasidad ng kama mula 500 hanggang 1,500.

RA 11566 – Pagko-convert ng Schistosomiasis Control and Research Hospital sa Palo, Leyte bilang isang general hospital at pagtaas ng kapasidad ng kama mula 25 hanggang 100.

RA 10290 – Pagkakatatag ng isang National High School sa Tacloban City na tatawaging Tacloban National High School.

RA 10244 – Paglikha ng dalawang karagdagang Regional Trial Court branches sa lalawigan ng Leyte.

Noong panahon ng COVID-19 pandemic, pinangunahan niya ang pagsasabatas ng mga emergency law gaya ng Bayanihan 1 at 2 na nagbigay ng agarang tulong sa milyun-milyong Pilipino.

Habang siya’y naghahanda sa pagpapatuloy ng kanyang trabaho bilang mambabatas, muling pinagtibay ni Speaker Romualdez ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa Leyte at sa pag-aambag sa pambansang kaunlaran.

“Bilang inyong kinatawan, ako po ay patuloy na magiging boses, sandigan, at lingkod ng bawat Waray. Padayon kita ha serbisyo. Padayon an Leyte!” pagtatapos ni Speaker Romualdez.