BBM1

Speaker Romualdez: PBBM naibangon ekonomiya ng PH sa gitna ng mga hamon

Mar Rodriguez Jul 23, 2024
87 Views

IDINEKLARA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang pagiging pinakamatatag na ekonomiya ng Pilipinas sa Southeast Asia ang crowning glory ng mga napagtagumpayan sa dalawang taong pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Sa gitna ng napakaraming hamon sa loob at sa labas ng bansa, naibangon ng ating mahal na Pangulong Marcos ang ekonomiya ng Pilipinas, naiahon sa kahirapan ang maraming Pilipino at nagpalago sa komersyo na nagpayabong ng kabuhayan at naglikha ng trabaho para sa mga Pilipino,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan.

“Our economic growth is nothing short of astounding, and the administration’s infrastructure development and social amelioration programs have ensured that ordinary Filipinos benefit from the nation’s progress. Ito ang benepisyo ng Bagong Pilipinas campaign, ang madama ng karaniwang tao ang kaunlarang naipundar natin nitong mga nakaraang taon,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Ayon sa mambabatas, nalampasan na ng bansa ang Vietnam bilang pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa Timog-Silangang Asya, ayon sa pagkilala ng mga international financial institutions tulad ng Asian Development Bank (ADB), International Monetary Fund (IMF) at World Bank.

Aniya, ayon sa ADB nakikita nito ang Pilipinas na mananatiling isang regional powerhouse hanggang 2024, habang nakikita ng IMF na ang bansa ay magiging pangalawang pinakamabilis na lumalago sa buong mundo ngayong taon at sa 2025, kasunod ng India.

“The economic achievements of our country under the leadership of President Marcos are spectacular, and this is noted by many financial institutions worldwide. Our economic growth not only surpassed that of our regional peers, but also made the country a major player in the global economy,” deklara pa ni Speaker Romualdez.

Sa unang bahagi ng 2024, lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 5.7 porsiyento, kapantay ng Vietnam, at nalampasan ang malalaking ekonomiya tulad ng China, Indonesia at Malaysia.

Ang paglago ay iniuugnay sa paglawak ng industriya mula 4.1 porsiyento hanggang 5.1 porsiyento at ang pagbangon ng export industry ng mula 1.1 porsiyento ay naging 7.5 porsiyento.

Sinabi pa ni Speaker Romualdez na nagsimula nang bumaba ang inflation rate, nagpakita ng malaking pagbuti ang pamamahala sa pananalapi ng bansa, at ang pagbaba ng deficit-to-GDP o gross domestic product ratio, pati na ang pagtaas ng koleksyon ng pamahalaan, ay katunayan ng mahusay na mga patakaran sa ekonomiya ng administrasyong Marcos.

Tinukoy rin niya ang Fitch Ratings na nagbigay sa bansa ng matatag na pananaw, na ayon sa kanya ay sumasalamin sa malakas na paglago ng bansa sa medium-term.

Malaking tulong rito ang naibigay ng sektor ng turismo sa ekonomiya, ayon sa mambabatas mula Leyte, kung saan umabot ang tourism direct gross value added (TDGVA) sa P2.09 trilyon o 8.6 porsiyento ng GDP noong 2023, na 48 porsiyentong pagtaas mula 2022.

Pinuri rin ng lider ng Kamara ang administrasyong Marcos sa pagbibigay-tuon sa pagpapaunlad ng imprastruktura, kung saan ang public infrastructure budget ay lumampas sa 5 porsiyento ng GDP sa mga nakaraang taon.

Paliwanag ng mambabatas, ang “Build Better More” (BBM) Program ay naglalayong maghatid ng isang “Golden Era” ng pagpapaunlad ng imprastruktura, kung saan ang mga malalaking proyekto tulad ng North-South Commuter Railway (NSCR) System at ang Metro Manila Subway Project ay mabilis na umuusad at inaasahang magpapababa ng oras ng pagbiyahe.

“The BBM Program is a pillar of our strategy to drive economic growth and improve the quality of life for all Filipinos. The enactment of the Public-Private Partnership Code will further enhance our ability to deliver large-scale projects efficiently and effectively,” ayon kay Speaker Romualdez.

Binigyang-diin din ng mambabatas ang pagsusumikap ng administrasyon sa paghikayat ng mga dayuhang pamumuhunan sa renewable energy (RE).

Aniya, ang mga amyenda sa Renewable Energy Act ay nagpahintulot sa mga dayuhan na lubusang magmay-ari ng RE sources, na nagresulta sa mga kilalang pamumuhunan tulad ng pagtatalaga ng Copenhagen Infrastructure Partners (CIP) ng Denmark ng USD$5 bilyon para sa pagpapaunlad ng mga offshore wind projects.

“Our renewable energy sector is a game-changer. These investments will not only boost our energy capacity but also promote sustainable development,” giit ni Speaker Romualdez. “The Board of Investments’ approval of nearly P1 trillion in RE projects underscores our commitment to a greener future.”

Kasabay ng paglago ng ekonomiya, sinabi ni Speaker Romualdez na inaasahan ang pagdami ng mga oportunidad sa trabaho at kabuhayan para sa mamamayan na nakararanas pa rin ng epekto ng pandemya.

Pagtitiyak pa ni Speaker Romualdez, ipinakita ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbuti sa mga antas ng unemployment at underemployment, na parehong bumaba mula 2022 hanggang 2023, na nalampasan ang pinakamataas na antas na naitala mula noong 2005.

Ang unemployment rate ay bumaba mula 5.4 porsiyento noong 2022 hanggang 4.3 porsiyento sa 2023.

Noong April 2024, naitala ito sa 4 porsiyento (katumbas ng 1.8 milyong Pilipino) na mas mababa rin kumpara sa antas ng nakaraang taon na 4.5 porsiyento (2.3 milyong Pilipino).

Binigyang-diin pa ng pinuno ng Kamara na ang mga tagumpay sa ekonomiya ng bansa ay nakapagbigay-daan din sa gobyerno na maipatupad ang mga programang panlipunan na tumitiyak na lahat ng Pilipino ay makikinabang mula sa paglago ng ekonomiya.

Inihalimbawa ng mambabatas ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang pangunahing programa ng pamahalaan sa pagpapababa ng kahirapan, na may P106.3 bilyong alokasyon sa 2024 upang suportahan ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon para sa milyong Pilipino. Kamakailan lang, ang programa ay pinalawak upang isama ang karagdagang suporta para sa mga kababaihang buntis at mga paslit.

“From the Pantawid Pamilyang Pilipino Program to the Kadiwa stores, these initiatives are making a real difference in the lives of ordinary Filipinos,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Paliwanag pa ng mambabatas, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay epektibong naipatupad ang iba’t ibang mga programang panlipunan na nagpababa ng antas ng kahirapan mula 23.7 porsiyento noong 2021 hanggang 22.4 porsiyento noong 2023.

Dagdag pa rito, ang mga inisyatiba tulad ng Tara, Basa! Program at ang Food Stamp Program (FSP) na sumusuporta sa mga pinakamahinang sektor ng populasyon.

“As President Marcos completes two years in office, his administration has laid a solid foundation for economic resilience and growth. The focus on infrastructure, renewable energy and social programs ensures that all Filipinos, especially the vulnerable, benefit from the country’s progress,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

“President Marcos’ visionary leadership has set us on a path to sustained economic prosperity. And for this, the President deserves the support of all Filipinos,” ayon pa sa lider ng Kamara.