Martin1 Mismong si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang dumayo sa Batangas para sa 4-storey, 20 classrooms na Bauan Technical Integrated High School sa Bauan, Batangas noong Lunes. Dumalo sa event sina School Division Superintendent Dr. Marites Ibañes, Principal lV Dulce Amor Abante, Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Rep. Ace Barbers, Rep. Joseph Stephen Paduano, Rep. Johnny Pimentel, Rep. Romeo Acop, Rep. Dan Fernandez, Rep. Keith Flores at Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez. Kuha ni Ver Noveno

Speaker Romualdez: PBBM tinupad pangako na itaguyod de kalidad na edukasyon

139 Views

PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga kongresista na dumalo sa project presentation ng apat na palapag na gusali para sa Bauan Integrated Technical High School (BITHS) sa Bauan, Batangas.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang bagong gusali patunay na seryoso ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaguyod ang pagkakaroon ng de kalidad na edukasyon para sa mga kabataang Pilipino.

“Sa araw na ito, hindi lamang pagtatayo ng building ang ipinagdiriwang natin. Kinikilala rin natin ang pagpapahalaga ng ating pamahalaan sa mga kabataan natin dito sa Batangas, mula sa ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hanggang sa ating masipag na kinatawan sa Kongreso na si Representative Gerville Luistro, pati na rin sa mga opisyal ng inyong bayan at mga tagapamahala ng Department of Education,” ani Speaker Romualdez.

“Lahat tayo ay nagkakaisa para tiyakin na ang mga kabataang Pilipino, lalo na dito sa Bauan, magkakaroon ng de-kalidad na edukasyon,” dagdag pa niya.

Nakasama ni Speaker Romualdez sa pagtitipon si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr., at ang mga miyembro ng Quad Committee na sina Reps. Robert Ace Barbers, Joseph Stephen Paduano, Johnny Pimentel, Romeo Acop, Dan Fernandez, Jonathan Keith Flores at Ramon Rodrigo Gutierrez.

Ayon kay Speaker Romualdez, kinausap niya si Appropriations Chairman Elizaldy Co para sa posibleng pagtatayo pa ng dalawang bagong gusali sa BITH upang mas maraming estudyante ang makapasok sa paaralan.

Umami ng sigawan ang naging anunsyo ni Speaker Romualdez mula sa mga nakikinig na estudyante, residente at mga opisyal ng ikalawang distrito ng Batangas.

“Sa pagtatapos ng gusaling ito, mas maraming kabataan ang magkakaroon ng mas maayos at komportableng lugar upang mag-aral at maghanda para sa kanilang mga pangarap.

Hindi lamang ito gusali, kundi isa itong daan tungo sa mas maliwanag na kinabukasan,” sabi ng lider ng Kamara.

Ayon kay Speaker Romualdez, itinutulak ng administrasyon na mapaganda ang mga pasilidad para sa edukasyon, kasama na ang pagtugon sa siksikang estudyante sa silid-aralan, isang pamumuhunan para sa magandang kinabukasan ng bansa.

“Bilang Speaker, ipinapangako ko po na patuloy naming susuportahan ang mga programa ng pamahalaan para sa edukasyon.

Kami ay kaagapay ng ating Pangulo sa pagsisigurong maayos na nagagamit ang pondo ng bayan para sa mga proyektong tulad nito.

Malaki ang ambag na ito sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mga lider at propesyonal,” sabi ng lider ng Kamara.

Nanawagan si Speaker Romualdez sa publiko na magkaisa upang matugunan ang mga problema sa sektor ng edukasyon at iginiit na ang pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon responsibilidad ng lahat na nangangailangan ng patuloy na pagtutulungan.