Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez Source: Cong. Bingo Matugas

Speaker Romualdez pinangunahan pamimigay ng P3B ayuda sa 1M benepisyaryo

176 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang opisyal na paglulungsad ng bagong ayuda program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., kung sana mamimigay ng P3 bilyon cash assistance sa may 1 milyong benepisyaryo sa loob lamang ng isang araw.

Si Speaker Romualdez ang isa sa mga nagsulong ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinamumunuan ni Sec. Rex Gatchalian.

Sa ilalim ng 2024 national budget ay may nakalaang P26.7 bilyon para sa iba’t ibang programa na pantulong sa mga mahihirap, “near-poor,” minimum wage earners, low-income earners at iba pang nangangailangan ng ayuda.

“Karangalan ko pong ihatid sa inyo ngayong araw ang pinakabagong programa ng ating pamahalaan — ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program, o AKAP,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

“Sa utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., binuo natin ang programang ito para tulungan ang ating mga kababayang mahihirap na apektado ng pagtaas ng mga presyo o inflation,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ang AKAP program ay kabilang sa mga programa na inaprubahan ng Kongreso at nakapaloob sa 2024 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Marcos.

Sa paglulungsad nito ng Sabado, ang bawat isa sa 1,002,000 benepisyaryo ng AKAP sa 334 lugar ay makatatanggap ng P3,000 o kabuuang P3 bilyon.

“Ang AKAP ay para sa lahat ng pamilyang Pilipino na kumikita ng minimum wage o mas mababa pa. Layunin nito na matulungan silang makaraos sa araw-araw, lalo na sa pagbili ng pagkain at sa iba pang mahalagang gastusin,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Ano po ba ang mga tulong na maaaring matanggap sa ilalim ng AKAP? Una, nagbibigay ang programang ito nang diretsong tulong pinansyal para sa pagkain at iba pang pangangailangan para sa nutrisyon,” paliwanag pa nito.

“Pangalawa, may tulong pinansyal din tayo para sa mga gastusin sa ospital, gamot, at iba pang pangangailangang medikal. Pangatlo, may ayuda rin para sa mga gastusin sa pagpapalibing ayon sa kaugalian ng bawat pamilya o komunidad,” sabi pa nito.

Gamit ang kredong “Isang Araw, Isang Milyon, Isang Bayan,” ang aktibidad ay sabay-sabay na isasagawa sa 334 lugar, kung saan bawat lugar ay mayroong 3,000 benepisyaryo.

Ang ayuda component ng 2024 budget ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.

Ang AKAP ay isinulong ng Kamara de Representantes upang maproteksyunan ang mga kumikita subalit kulang at mapigilan na bumagsak ang mga ito sa below poverty line.

“Sa pamamagitan ng AKAP, masisiguro natin na kahit sa panahon ng krisis, walang Pilipinong maiiwan. Ito ang misyon na ibinigay sa atin ng Pangulong Marcos Jr. Ang tiyakin na bawat Pilipino ay may maaasahang kakampi na handang umalalay sa panahon ng pangangailangan,” sabi pa ni Speaker Romualdez. “Sa anumang panahon. Saan mang sulok ng bansa.”