Martin1

Speaker Romualdez pinuri alok na tulong ng Portugal laban sa ASF

Neil Louis Tayo Jun 15, 2023
142 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang alok na tulong ng Portugal laban sa African Swine Flu (ASF) at ang pagbubukas nito ng pinto para sa mga manggagawang Pilipino.

Ang tulong ay ipinarating kay Speaker Romualdez ni Portuguese non-resident Ambassador to the Philippines, Maria Joào Falcào Poppe Lopes Cardoso na nag-courtesy call sa kanya sa Manila Golf and Country Club.

Ayon kay Speaker Romualdez ipararating nito sa mga ahensya ng Executive Department ang alok na tulong ng Portugal upang agad na maaksyunan gayundin ang iba pang inisyatiba na magpapatibay sa ugnayan ng dalawang bansa partikular sa sektor ng teknolohiya at depensa.

“These propositions are of great mutual interest to both countries,” ani Speaker Romualdez.

Ayon kay Ambassador Cardoso mayroong kompanya sa Portugal na nais na magbahagi ng kasanayan sa paglaban sa ASF.

Ang Portugal ang isa sa dalawang bansa sa Europa na matagumpay na bumura sa ASF.

Noong Hunyo 1, 15 probinsya sa Pilipinas ang mayroong aktibong kaso ng ASF.

Sinabi naman ni Ramon C. Garcia, Jr., honorary consul ng Portugal sa Maynila, na isang organisasyon ng mga pork producer ang nais na magpadala ng mga eksperto sa Pilipinas para turuan ang Bureau of Animal Industry ng estratehiya sa paglaban sa ASF.

Ayon naman kay Ambassador Cardoso bukas ang Portugal sa pagtanggap ng mga manggagawang Pilipino sa sektor ng turismo, partikular ang mga marunong magsalita ng Ingles.

Mayroon din umanong technology company na nakabase sa Portugal na nais magnegosyo sa Pilipinas.

“Our President is the foremost advocate of utilizing technology and he is sincerely welcoming foreign investors. Besides, it makes a lot of sense for your companies to locate here, being among the fastest growing economies in the world,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Mayroon umanong hi-tech firm sa larangan ng biometrics at e-gates na nagseserbisyo sa mahigit 100 paliparan ang pumasok sa isang joint venture kasama ang isang kompanyang pagmamay-ari ng Pilipino.

Idinagdag naman ni Garcia na nais ng kompanyang ito na magbukas ng kanilang regional headquarter sa Pilipinas na makapagbibigay ng mapapasukang trabaho sa mga Pilipino.

Sinabi rin ni Ambassador Cardoso na mayroong isa pang Portuguese company na nakipag-partner sa isang kompanyang Pilipino sa larangan ng secure communication technology para sa mga defense establishment ng bansa.