Speaker Romualdez. SECRET WEAPON — Pinuri ni Finance Secretary Ralph Recto si Speaker Ferdinand Martin Romualdez at tinuring ang Speaker bilang “secret weapon” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Lipa City sa Batangas noong Sabado. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez sikretong ‘weapon’ ni Pangulong Marcos

Mar Rodriguez Aug 25, 2024
145 Views

Sa pagtulong sa mga nangangailangan

INILALA ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto si Speaker Ferdinand Martin Romualdez bilang “secret weapon” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdadala ng tulong sa mga nangangailangang Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa unang araw ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) at apat pang social amelioration program ng gobyerno noong Sabado sa Lipa, Batangas, si Recto ang nagpakilala kay Speaker Romualdez.

“Nandito naman ang liderato ng Kongreso, ang partner ng Pangulo, first cousin ng Pangulo, taga-isip ng programang tulad nito, siya ang dahilan kung bakit tayo merong [BPSF],” ani Recto, na isang tubong Batangas at dating kinatawan ng lalawigan sa Kamara de Representantes bago ito itinalaga ni Pangulong Marcos bilang kalihim ng DOF.

“Kailan ba kayo nakakita ng Speaker na bumisita sa lalawigan ng Batangas, di ho ba? Nagbigay ng panahon. Ang taong ito, sabi ko nga kanina, haligi ng BBM (Bongbong Marcos) administration. Secret weapon ng ating Pangulo,” sabi pa ni Recto.

“Kaya kung maganda ang takbo ng BBM administration, ay ‘yan ay dahil din sa taong ipakikilala ko sa inyo,” dagdag pa nito.

Noong Sabado ay sinimulan ang dalawang araw na BPSF kung saan kabuuang P563 milyong halaga ng serbisyo at cash assistance ang ipamamahagi sa mahigit 60,000 residente ng probinsya.

Sinabi ni Recto na ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng BPSF ay hindi isang political rally, kundi isang serbisyo sa taumbayan na nangangailangan ng suporta ng gobyerno.

“Ang pagtitipon pong ito ay hindi rally, kundi serbisyo. Hindi pamumulitika, kundi paglilingkod. Ang hatid ay hindi ang paghahati-hati sa mga paksyon-paksyon o buklod-buklod, kundi ang pagsasama sa layuning makatulong. Hindi hidwaan, kundi ginhawa,” giit ni Recto.

“Kita niyo naman, sangkaterbang serbisyo ang narito ngayon. Lahat yata ng ahensya na nakasulat sa government directory nandidito na present lahat dine,” dagdag pa nito.

Ang Batangas ang ika-22 probinsya na pinuntahan ng BPSF. Ang serbisyo caravan ay dadalhin sa 82 probinsya ng bansa.