Martin1

Speaker Romualdez tiniyak pagpasa ng 2024 budget bill bago magsara ang sesyon E

Mar Rodriguez Sep 21, 2023
165 Views

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na maaaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.768 trilyong pambansang pondo para sa susunod na taon bago magsara ang sesyon sa susunod na linggo.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag kasunod ng paglabas ng sertipikasyon mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang hilingin sa Kongreso na agarang ipasa ang panukalang budget.

Ipinunto ng lider ng Kamara na ang sertipikasyon ay patunay ng pagkilala ni Pangulong Marcos sa pangangailangan na maipagpatuloy ang ang mga programa at serbisyo hatid ng pamahalaan.

Ang sertipikasyon ng House Bill (HB) No. 8980 o ang 2024 General Appropriations Bill (GAB), ayon kay Speaker Romualdez ay pagtupad ni Pangulong Marcos sa pangako nitong ng maagap at epektibong paglilingkod sa mga Pilipino.

“We appreciate President Marcos’ leadership and his prioritization of the national budget. His decision to certify this crucial legislation as urgent reflects his unwavering commitment to the welfare and progress of our nation,” sabi ng lider ng Kamara na may 311 miyembro.

Pinasalamatan at kinilala rin ni Speaker Romualdez ang walang kapagurang dedikasyon ng kanyang mga kasamahan sa Kamara sa pagtalakay at pagbusisi sa budget bill.

“Our esteemed colleagues in the House have been diligently reviewing and fine-tuning the 2024 national budget to ensure that it addresses the pressing needs of our country and its people,” aniya.

Muli ring siniguro ng House Speaker ang bukas at hayag na proseso ng pagtalakay sa panukalang pondo na sumusunod sa mataas na panuntunan ng pananalapi.

“We will continue to uphold the principles of accountability, inclusivity, and efficiency throughout the budget deliberations,” sabi pa ng lider ng Kamara.

“The House of Representatives stands united in its commitment to pass the 2024 national budget and support the government’s initiatives aimed at promoting economic growth, social development, and the well-being of every Filipino,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ang sertipikasyon ay magbibigay ng pagkakataon sa Kamara na aprubahan ang panukalang pondo sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob ng isang araw.

Matapos ang pagpasa sa Kamara ay agad itong ipadadala sa Senado.

Walang sesyon ang Kongreso mula Setyembre 30 hanggang Nobyembre 5.

Inaasahan na malalagdaan ng Pangulo ang 2024 national budget sa Disyembre, na isang mahalagang hakbang upang magamit ng naaayon sa plano ang panukalang pondo.