Valeriano

Special Court na lilitis kay PD30, iba pa na sangkot sa EJK hiniling ni Valeriano sa SC

Mar Rodriguez Jan 22, 2025
15 Views

UPANG mabigyan ng katarungan ang mga inosenteng biktima ng madugong extrajudicial killings o mas kilalang bilang “Oplan Tokhang”, hiniling ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano sa Supreme Court (SC) na bumuo ito ng “special courts” na lilitis kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Iba pang kilalang personalidad na sangkot sa brutal na war-on-drugs campaign.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na ang report na inilabas sa imbestigasyon ng House Quad Committee ay maituturing na isang malaking hakbang para sampahan ng kaso ang mga kilalang personalidad na promotor at nagpatupad ng EJK na ikinasawi ng libo-libong biktima.

Sinabi ng kongresista na marami sa kaniyang mga kababayan sa District 2 ang naging biktima ng “Oplan Tokhang” kung saan binalot aniya ng matinding takot ang napakaraming residente sa kanilang lugar bunsod ng walang habas na pagpatay sa mga hinihinalang drug addict at drug pushers alinsunod sa prinsipyo ng Oplan Tokhang.

Dahil dito, sinabi ni Valeriano na ang pagtatatag ng Korte Suprema ng special court ay magbibigay daan upang mabigyan ng katarungan ang libo-libong biktima ng EJK sa pamamagitan ng gagawing paglilitis kina dating Pangulong Duterte at iba pang kasabwat nito sa paglulunsad ng madugong war-on-drugs campaign.

“I suggest to the Supreme Court the designation of special courts on tokhang extra-judicial killings that will conduct the trials of former President Rodrigo Duterte his co-conspirators and their legion of minions who serve as accomplices and accessories,” sabi ni Valeriano.

Ayon pa sa mambabatas, nasa kapangyarihan ng Kataas-Taasang Hukuman na magtalaga ng special courts batay sa itinatakda ng Reorganization Act. Sapagkat ang lahat aniya ng “Tokhang” cases ay kinakailangang dinggin upang mapabilis ang pagkamit ng hustisya para sa libo-libong biktima ng madugong EJK.

“I appeal to the SC justces to study my suggestion on special courts while the Department of Justice (DOJ) follows through on the Quad Comm recommendations and findings,” wika pa ng kongresista.