Guo Source: FB file photo

Stella Guo. Cassey Ong inurot: Mag-tell all na kayo

28 Views

HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian sina Sheila Guo at Cassandra Ong na isiwalat ang lahat ng nalalaman nila sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kung saan sila konektado pagharap nila sa pagdinig ng Senado sa Agosto 27.

“Mag tell-all na sila. ‘Yun pa lang magkasama na sina Cassandra Ong at Sheila Guo na sabay na nagbibiyahe, ibig sabihin malapit si Cassandra sa pamilya Guo.

Dito natin makikita ang koneksyon ng Bamban POGO sa Porac POGO,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa senador, si Sheila Guo, shareholder at opisyal ng ilang kumpanya ng pamilya Guo, maaaring magbigay liwanag kung paano napondohan ang pagpapagawa ng POGO hub sa Bamban.

“Malaki ang papel ni Sheila Guo sa imbestigasyon dahil kung hindi siya stockbroker, ginawa siyang opisyal sa mga kompanyang pag-aari ng mga Guo.

Ang ibig sabihin nito, kung ang mga kompanyang iyon ginamit para matustusan ang POGO sa Bamban, hindi malayong alam din niya iyun,” sabi pa ni Gatchalian.

Mahahalagang impormasyon din ang inaasahang makuha kay Ong tungkol sa POGO sa Porac, Pampanga.

“Alam naman nating lahat na authorized representative ng Lucky South 99 si Cassandra Ong.

Sa katunayan, pumunta pa siya sa PAGCOR para ipakiusap ang lisensya ng Lucky South 99,” ani Gatchalian.

“Aalamin natin kay Shiela at Cassandra kung sino ang mga mastermind, sino ang government officials na tumutulong sa kanila o kasabwat nila sa POGO, sino ang tumulong sa kanilang pondohan ang mga POGO sa Bamban at Porac na naging pugad ng kriminalidad, at gaano kalawak ang operasyon ng mga ito,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.

Ang mga impormasyong ito maaaring magbunyag ng kinaroroonan ni Alice Guo at posibleng tuluyan na siyang mahuli.