Suplay ng isda sapat- DA-BFAR

Cory Martinez Mar 16, 2023
208 Views

TINIYAK ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na sapat ang suplay ng isda sa paglapit ng Semana Santa kung saan tumataas ang demand dito.

Ayon kay DA-BFAR spokesperson Nazario Briguera nagbukas na ang mga fishing ground sa bansa matapos ang periodic closure kung kailan hinahayaan ang mga isda na magparami.

“Dahil nasa peak season tayo ngayon ng fishing activity, we expect na kaya nating punan ‘yung supply kahit tumaas ang demand sa Mahal na Araw,” sabi ni Briguera.

Inamin naman ni Briguera na maaaring maapektuhan ng oil spill ang lokal na produksyon ng isda lalo na sa Mindoro kung saan lumubog ang MT Princess Empress.

“Pero hindi namin nakikita na magkakaroon ng pangmalawakang kakulangan sa presyo ng isda because of the oil spill,” sabi ni Briguera.

Maaari rin umanong makaapekto sa dami ng nahuhuling isda ang mataas na presyo ng produktong petrolyo.

“Alam natin na nagfa-fluctuate ang presyo ng petrolyo. Minsan tumataas ito at nagiging dahil kung bakit nababawasan ang fishing activities kaya ang DA-BFAR ay patuloy na nagsusulong na subsidy program at payao technology lalo na sa small-scale fisherfolk,” paliwanag ng opisyal.

Ayon sa Philippine Statistics Authority noong 2022 ay umabot sa 4.34 milyong metriko tonelada ng isda ang nahuli sa bansa, mas mataas ng 2.16% kumpara sa huli noong 2021.