Dionisio House Assistant Majority Leader Ernix Dionisio

Survey: 69% ng mga Pilipino suportado ang AKAP ayuda

21 Views

NUMBERS don’t lie.”

Ganito inilarawan ni La Union Rep. Paolo Ortega ang resulta ng pinakabagong survey ng OCTA Research, kung saan lumabas na 69 porsiyento o halos pito sa bawat 10 Pilipino ang sumusuporta sa patuloy na pagpapatupad at pagpapalawak ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Sa isang press briefing sa Kamara, kasama ni Ortega sina House Assistant Majority Leaders Ernix Dionisio (Manila City) at Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), na kapwa nagpahayag ng suporta sa programa.

Ayon kay Dionisio, hindi na bago ang mga kritisismo laban sa ayuda, lalo na mula sa may mga pansariling interes.

“Hindi naman nawawala talaga ‘yung mga kumokontra, especially ‘pag may vested interest. Pero ang importante, tulad ng lagi naming sinasabi, ang ayuda ng pamahalaan ay hindi lang ngayon nagsimula. Noon pa man, mayroon na nito sa iba’t ibang administrasyon,” aniya.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng direktang tulong ng gobyerno sa mga nangangailangan.

“As long as na dumarating sa tamang tao, sa mabilis na paraan, dapat hayaan natin na matulungan ng pamahalaan ‘yung mga mamamayan natin,” dagdag niya.

Samantala, sinabi naman ni Adiong na patuloy ang pagsisikap ng administrasyon na mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa publiko.

“Actually, we’re making true to our promise. This administration is bringing the government services closer to the people. ‘Yung number na ‘yan, mataas na ‘yan sa survey—7 out of 10,” sabi niya.

Para kay Adiong, ang mataas na suporta ng publiko ay patunay na epektibo ang AKAP.

“Bukod sa gusto ito ng ating mga kababayan, ipinapakita rin ng survey na talagang nararamdaman nila ang tulong. Ibig sabihin, diretso nilang natatanggap ang ayuda at mabilis ang pag-release nito,” aniya.

Aminado rin siyang may puwang pa para sa mga pagbabago upang mapabuti pa ang serbisyo.

“We’re not saying that AKAP is perfect. There’s going to be room for adjustment. That’s why we’re trying to really improve the services para maramdaman ng tao na ang gobyerno ay nagtatrabaho para sa kanila,” paliwanag ni Adiong.

Bukod sa direktang benepisyo sa mamamayan, binigyang-diin din ni Adiong ang positibong epekto ng AKAP sa ekonomiya.

“Kailangan itong ayuda dahil direkta itong napupunta sa bulsa ng mga tao, na nagpapalakas ng kanilang kakayahang bumili. Sa huli, nakakatulong ito sa lokal na ekonomiya, na mabuti para sa lahat,” pagtatapos niya.