Yap

Surveys batayan ng mananalo

271 Views

Hindi ‘hakot rallies’ – Publicus chief scientist

WINASAK ng chief data scientist ng Publicus Asia Inc. ang paniwala ng ilang kampo na ang paghahakot at pagbabayad ng mga tao para dumalo sa kanilang campaign rally at magmukhang marami silang taga-suporta ay makakatulong sa kanilang kampanya.

Ipinaliwanag ni Dr. David Yap Jr., chief data scientist ng Publicus Asia, na ang malaking bilang ng tao na dumadalo sa mga rally ay hindi nangangahulugan na malaki na rin ang kanilang makukuhang boto.

Giit niya ang totoong barometro ng sentimyento ng mga tao ay nakabase sa mga resulta ng scientific survey at hindi sa rally maging sa mga social media engagement.

Naglabas si Yap ng pahayag matapos nitong ilabas ang resulta ng survey ng Publicus Asia mula Marso 9-14 kung saan si presidential front-runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang nanguna na mayroong 55.1 porsyentong voter preference, na tumaas ng halos 3 percentage points mula sa kaniyang 52.3 percent preference share nitong Pebrero.

Nasa malayong pangalawang puwesto si Leni Robredo na mayroong 21 percent, sinundan ni Isko Domagoso na mayroong 8.2 percent, si Ping Lacson ay may 4.2 percent at Manny Pacquiao, 1.8 percent.

Iginiit pa ni Yap na ang resulta ng survey ay hindi rin makikita sa mga malalaking political rally ng mga kandidato dahil karamihan sa kanila ay nakakahakot ng maraming crowd dahil na rin sa mga imbitadong artista at performers.

Sa kanilang kampanya sa Metro Manila, napuno ni Marcos ang ilang kalsada sa Mandaluyong at kamakailan ay sa Riverbanks sa Marikina habang ang kampo naman ni Robredo ay napuno rin ang Emerald Avenue sa Pasig City.

Kamakailan ay sinabi rin ng mga data analysts tulad ni Yap at Pulse Asia executive director Anna Maria Tabunda na ang bilang ng mga taong dumalo sa rally ay bahagi lamang ng actual preference rating numbers ng mga kandidato.

Sa kaso ni Marcos, ang daang libo na dumadalo sa kaniyang mga rally ay bahagi lamang ng kanyang 55-60 percent na voter preference sa mga survey, habang ang bilang naman ng dumalo kay Robredo ay bahagi ng 15-20 percent voter preference nito.

“When you look at rallies whatever the color, it is mostly populated. The vast majority of people who attend rallies are already supporters of that particular candidate,” sabi ni Yap.

“And if you consider this very important point, you realize that this isn’t for conversion primarily. It is to reinforce the base that we have a lot of people,” dagdag pa niya.

Hindi rin umano puwedeng pagbasehan ang dami ng tao para malaman ang sentimyento ng mga botante, ani Yap.

“If you consider the population of non-child Filipino. Let’s put it at 80 million. Twenty percent of 80 million is still 16 million. That is more than enough to fill up a whole lot of rallies in Metro Manila and outside,” sabi rin niya.

Idinagdag pa ni Yap na ang mga Google search at iba pang social media engagement ay hindi rin puwedeng gawing barometro para sukatin ang kanilang iboboto kung saan nanguna si Robredo kay Marcos.

Kamakailan ay nilinaw din mismo ng Google na ang kanilang “trends” ay hindi poll survey at hindi sinasabing batayan para sa iboboto ng publiko.

“Alluding to Google trend searches and social media engagements as barometers for voter preference is lazy thinking,” sinabi ni Yap

“A person can be interested in a candidate, but not in particularly in a positive way. A person can be searching for information that is against for a particular candidate. We do not have any way to distinguish between a person searching for an information of candidates in hopes of supporting him or her,” diin niya.

Ibinigay pa nitong halimbawa si Mocha Uson at Doc Willie Ong, na kapuwa pinaka-popular na social media influencer pero kapuwa natalo nitong 2019 mid-term elections sa kabila ng milyun-milyong followers sa Facebook.

Iginiit ni Yap na ang survey pa rin ang pinaka-credible at pinagkakatiwalaan para malaman ang totoong damdamin ng voting public.