Calendar

Suspek sa droga nasakote sa 500 gramo ng shabu
NASAMSAM ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa isang buy-bust sa Marawi City noong Miyerkules.
Nadakip sa operasyon si alyas Angko, 35, ng Brgy. Kanyugan Papandayan, Marawi City.
Sinabi ni PDEA Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Regional Office Director Gil Cesario P. Castro na kasama nila ang mga tauhan ng Lanao del Sur Provincial Police Office, Marawi City Police Station at PNP Special Action Force sa anti-drug operation.
Ayon sa opisyal, isinagawa ang operasyon matapos ang masusing pagsubaybay at pagtitipon ng intelihensiya sa lugar.
Natukoy sa surveillance na si Angko sangkot sa malawakang bentahan ng iligal na droga hindi lamang sa lungsod kundi pati na rin sa Lanao del Sur.
Nakumpiska sa operasyon ang 500 gramo ng shabu na may halagang P3.4 milyon, buy-bust money, mga IDs at isang Honda motorcycle.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang akusado.