Calendar
Suspek sa pagbaril, pagpatay sa may ari ng laundry shop arestado
NAARESTO na ng pulisya ang rider ng Move It na sinasabing bumaril at pumatay sa 43-anyos na negosyante sa loob mismo ng kanyang laundry shop sa isang Subdivision sa Barangay Bagbag, Novaliches noong Lunes.
Sa report kay QCPD Acting District Director, P/Col. Randy Glenn Silvio, ang suspek na si alyas “Mike Joey”, 43, isang Move It rider, at residente ng Brgy. Baesa, Quezon City, ay nadakip bandang 10:03 ng umaga nitong Miyerkules (September 3) sa Sitio Pajo Market, Brgy. Baesa sa lungsod.
Sa imbestigasyon, ang suspek, na nakasuot ng itim na kapote at pulang helmet na “Move It”, ay pumasok sa tindahan ng biktima bandang 8:59 ng umaga noong Lunes (September 1) at binaril ito ng maraming beses saka hinablot ang suot na gintong kwintas nito na nagkakahalaga ng P145,000 saka tumakas sakay ng pulang Honda Click motorcycle patungo sa Quirino Highway.
Nakita sa CCTV footage ang suspek sa Sabina Market, kung saan dinala umano nito ang ninakaw na kwintas sa isang panday ng ginto para ayusin.
Nakilala pa siya sa pamamagitan ng kanyang getaway motorcycle na may plate number na 134USF, at naberipika sa Land Transportation Office (LTO) na nakarehistro sa kanyang asawa.
Kalaunan ay isinuko ng kanyang asawa ang mga ebidensya, kabilang ang pulang Honda Click na motorsiklo, tampered plate number, itim na kapote, pulang helmet, sandals, at isa pang helmet na ginamit sa krimen.
Inihahanda na ang kasong Robbery with Homicide at paglabag sa R.A. 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa Move It rider.

