Suspek Mugshot ng suspek sa pagpatay ng manager at pagnanakaw sa 7-Eleven sa Cabanatuan City. Kuha ni STEVE A. GOSUICO

Suspek sa pagtodas sa manager ng 7-Eleven tiklo

Steve A. Gosuico Aug 15, 2024
117 Views

CABANATUAN CITY–Tatlong araw matapos ang madugong panghoholdap sa 7-Eleven outlet sa syudad na ito, bumagsak din sa kamay ng Nueva Ecija police ang nag-iisang suspek sa karumal-dumal na krimen noong Lunes.

Sinabi ni Nueva Ecija police chief Col. Richard Caballero na nakipag-ugnayan ang kanyang mga tauhan sa Pag-asa Sub Station 1 sa Mandaluyong City, Eastern Police District at National Capital Region Police Office para maaresto ang suspek sa Brgy. Daang Bakal, Mandaluyong City dakong alas-2:00 ng hapon noong Lunes.

Kasunod ng pag-aresto, sinabi ni Caballero na kasong robbery with homicide at arson ang isinampa laban sa suspek sa city prosecutor’s office dito noong Martes.

Pinagsasaksak hanggang matodas ang manager ng 7-Eleven na si Ryan De Goma, 26, at tinangay din ang P320,894 na kita ng tindahan.

Sinabi ni Caballero na 25-anyos at dating crew ng convenience store ang natiklong suspek

Ginamit ng suspek ang kanyang kaalaman sa security protocols upang makapasok nang mabilis sa loob ng 7-Eleven store sa Brgy. Mabini Homesite, Cabanatuan City, ayon sa police official.

Nasa loob ng stock room ng tindahan ang biktima nang biglang nakapasok ang suspek. Ni-lock nito ang pinto bago pinagsasaksak ang manager ng tindahan at puwersahang kinuha ang P320,984 na kita ng store.

Sinabi ni Caballero na sinubukan din ng suspek na sirain ang mga computer device sa stock room sa pamamagitan ng pagsunog bago tumakas gamit ang side access door ng tindahan.