Suspek

Suspek sa shooting ng 2 kasama sa robbery, pinick-up ng parak sa Makati

Edd Reyes Aug 4, 2026
40 Views

KILALA na ng pulisya ang mga suspek na bumaril sa dalawang lalaki, pati na ang motibo sa tangkang pamamaslang, matapos mabawi ang gamit nilang sasakyan, baril, at personal na gamit habang tinutugis sa Makati City.

Nangyari ang insidente noong Sabado ng umaga sa Hiwaga St. Brgy. Olympia nang barilin ng mga suspek na sina alyas “Rudy”, 34, ng Pasay City at alyas “Teejay,” 31, ng Brgy. Tejeros, sina alyas “Christian”, 26, at alyas “Khen”, 23, na kapuwa nagtamo ng tama ng bala sa kanilang braso at kasalukuyang nagpapagaling na sa Makati Medical Center.

Ayon kay Makati police chief P/Col. Pedro Alagano Jr. isinagawa nila ang hot pursuit operation nang matukoy sa kuha ng CCTV ang pagtakas ng mga suspek patungong Tramo St. Brgy. 64 sa Pasay Cty at dito nila nabawi ang Honda Click motorcycle na gamit sa pagtakas, isa pang Yamaha Aerox, vest jacket na may tatak na “SWAT”, kalibre .9mm at kalibre .45 na pistola na gamit sa pamamaril, at suot nilang damit nang isagawa ang pamamaril na may bahid pa ng dugon a naiwan sa pagtakas.

Sinabi ni Alagano na onsehan sa droga ang natukoy nilang motibo sa pamamaril matapos hindi umano ibigay ng mga biktima sa mga suspek ang kanilang parte sa ilegal nilang transaksiyon.

Lumabas din sa background check ng pulisya na sangkot ang mga biktima at suspek sa serye ng mga insidente ng robbery hold-up sa Metro Manila, bukod sa pagkakasangkot nila sa pagtutulak ng ilegal na droga.

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang mabilis na pagtukoy sa pagkakakilanlan sa mga suspek at motibo sa pamamaril kasabay ng utos ng puspusang pagtugis sa mga suspek.