Relo

Suspek sa ₱15M relong natangay sa NAIA umamin kay Raffy Tulfo

44 Views

Relo1Relo2Relo3Relo4Relo5Relo6INAMIN umano kay Senador Raffy Tulfo ng suspek sa pagtangay ng tatlong luxury watch ng isang French national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na naibenta na niya ang mga ito.

Ibinenta raw niya ang mga relo, na nagkakahalaga umano ng ₱15 milyon, sa isang shop sa Baclaran sa halagang ₱120,000.

Sa video call nitong Martes, Oktubre 27, umamin umano si alyas Raymond na siya ang kumuha sa mga relo. Wala pang kasong naisasampa laban sa kanya.

Nakatakdang talakayin ang insidente sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Tulfo ngayong Miyerkules. Kabilang sa mga inimbitahan ang Manila International Airport Authority (MIAA), ang Airport Police Department at ang Office for Transportation Security, kasama ang may-ari ng mga relo na dadalo virtually.

Ayon sa grupo ni Tulfo, nasa Grab pick-up area si Anthony Claude Boukhors, 35, nang mawala ang kanyang trolley bag at backpack noong Oktubre 20. Kararating lang daw niya mula sa ibang bansa at kinukumpirma ang kanyang booking nang masalisihan siya.

Nasa trolley bag umano ang tatlong Audemars Piguet na relo.

Agad daw siyang nag-report sa airport police pero hindi na naabutan ang tumangay. Sa CCTV footage, nakilala raw ng airport police ang suspek.

Sinabi rin daw ng airport police kay Boukhors na dati nang nakulong ang suspek sa halos kaparehong modus, pero nakalaya ito nang hindi ituloy ng dating biktima ang kaso.

Inamin din umano ng suspek sa video call na hindi ito ang una niyang pagnanakaw sa NAIA.

Kinuwestyon ni Tulfo kung bakit hinayaan ng mga awtoridad na makapag-operate ang suspek kung kilala na pala ito. Dapat daw ay naglabas man lang ng look-out bulletin at ipinaskil ito sa mga paliparan.

Hindi rin inaalis ni Tulfo ang posibilidad ng “inside job.” Maaari raw kasing nalaman ng ilang kawani ng paliparan ang mamahaling laman ng bagahe nang dumaan ito sa X-ray machine, saka umano itinimbre sa suspek.

Ayon sa grupo ni Tulfo, ilang ulit nilang tinawagan ang MIAA at ang Airport Police Intelligence and Investigation Division para kunin ang kanilang panig, pero walang sumagot.

Noong Oktubre 23, nag-alok si Boukhors ng ₱1 milyong pabuya sa makapagsasauli ng mga relo. Natunton ang suspek sa tulong ng isang tipster.

Humingi ng tawad ang suspek kay Boukhors at sinabing gipit siya sa pera. Nangako rin siyang tutulong para mabawi ang mga relo.

Sa video call, sinabi ni Boukhors na handa niyang patawarin ang suspek, ibigay ang pabuya kapag naibalik ang mga relo at hindi na magsampa ng kaso. Tinutulan ito ni Tulfo dahil gagantimpalaan pa raw ang gumawa ng masama.

Kalaunan, sinabi ni Boukhors na uunahin muna niyang mabawi ang mga relo bago pag-usapan ang pabuya at ang posibleng pagsasampa ng kaso.

Pinapunta ni Tulfo ang kanyang mga tauhan, kasama ang mga pulis, sa shop sa Baclaran para bawiin ang mga naibentang relo. Hindi pa tiyak kung nabawi na ang mga ito.