Laguesma

Taas-sahod pinag-aaralan ng DOLE

140 Views

PINAG-AARALAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga panawagan na itaas ang minimum na sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma ikinokonsidera ng DOLE ang pangangailangan na itaas ang sahod dahil sa mga pagtaas ng mga bilihin.

Nagsagawa ng pagpupulong ang mga regional director ng DOLE at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) noong Huwebes upang talakayin ang mga bagay-bagay na dahilan ng pangangailangan na magtaas ng sahod.

Tinitignan din umano ng ahensya ang kakayanan ng mga negosyo na magtaas ng sahod at ang magiging epekto nito sa produkto na ginagawa ng mga manggagawa.

Ang pagtaas ng sahod ay magreresulta rin sa pagtaas ng mga bilihin dahil kasama ang pasahod sa pagkuwenta sa magiging halaga ng produkto.

Nagkakahalaga ng P570 ang minimum na arawang sahod sa Metro Manila na siyang pinakamataas at ang pinakamababa ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nagkakahalaga ng P305.