DICT Source: DICT

Tamang batas vs scammer gamit deep fake, AI isinusulong ni Poe

18 Views

BUNGA ng malawakang paggamit ng AI upang makapangloko, magkaroon ng impersonation, deep fake at pagkalat ng disimpormasyon, iginiit ang kahalagahan na kontrolin ito gamit ang tamang batas panlaban dito.

Nagbabala si Senadora Grace Poe laban sa lumalaking banta ng maling paggamit ng artificial intelligence (AI), partikular sa mga scam, deepfake, at disimpormasyon, kasabay ng panawagan para sa isang balanseng at konsultatibong pagbuo ng batas ukol dito.

Sa kaniyang talumpati sa Federation of Indian Chambers of Commerce, ipinaliwanag ni Poe na ang AI ay may kakayahang magdulot ng kapaki-pakinabang na pagbabago ngunit maaari ring gamitin sa mapaminsalang paraan.

“But definitely AI has to be somewhat regulated because, for example, we know that they use AI now to impersonate people and to scam people,” aniya. “But we also use AI in research and many other ways by which we are able to improve our lives.”

Sa harap ng tumitinding paggamit ng teknolohiya sa paglikha ng mga deepfake na imahe, boses, at video—na ginagamit sa panlilinlang, pekeng pag-eendorso, at panliligaw sa publiko—nagbabala ang mga eksperto na ang mga ito’y posibleng gamitin sa malawakang panlilinlang, kabilang na ang pagkukunwari bilang mga opisyal ng gobyerno.

Iminungkahi ni Poe na hindi dapat madaliin ang pagpasa ng anumang batas na may kaugnayan sa AI nang walang sapat na konsultasyon. “I know that there are laws now that are being proposed in the Senate. It’s still pending. It’s very important that we don’t just rush and pass a law without actual and proper consultation,” giit niya.

Bagamat walang binanggit na partikular na panukala, may mga mungkahing isinusulong sa Kongreso na layong bumuo ng pambansang AI council, maglatag ng AI roadmap, at magsagawa ng pagsasanay para sa mga kawani ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas na pag-angkop sa teknolohiya.

Binigyang-diin ni Poe na ang anumang regulasyon ay dapat idinisenyo katuwang ang mga eksperto, industriya, at civil society upang maging patas at epektibo. Bukod sa regulasyon, iginiit din niyang kailangang itaguyod ang etikal na pag-unlad ng AI—isang sistemang nakatuon sa inobasyon at inklusibidad, ngunit hindi isinasantabi ang seguridad.

“All of these considerations have to be balanced before we can pass a law that can address AI,” aniya.

Sa panahon kung saan mabilis na binabago ng AI ang mga aspeto ng negosyo, pamahalaan, at pang-araw-araw na buhay, iginiit ni Poe na nararapat lamang na ang mga polisiyang ipatutupad ay maging maingat, bukas sa konsultasyon, at nakabatay sa parehong potensyal at panganib ng teknolohiya.