Calendar
Tamang pagpapataw ng buwis sa alcopops pinag-aaralan ng Kamara
PINAG-AARALAN ng House Committee on Ways and Means ang tamang mekanismo ng pagpapataw ng buwis sa mga “alcopops” o mga inuming may alkohol upang mapigilan ang tumataas na pagkonsumo ng alak ng mga kabataang Pilipino.
Sinabi ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo na nagiging kaakit-akit sa mga kabataan ang mga naturang inumin dahil sa murang presyo, matatamis at iba’t- ibang lasa.
Inilahad ni Quimbo ang usapin sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite tungkol sa mga panukalang batas na naglalayong magtaas ng excise tax o buwis sa mga inuming may alkohol.
Bahagi ang mga panukalang ito ng legislative agenda ng administrasyong tinatawag na ProGRESS.
Dagdag pa ng kongresista na kailangang masusing pag-aralan ang mga produktong kinokonsumo ng kabataan, partikular ang alcopops, na dahil sa abot-kayang presyo, iba’t ibang lasa at kaakit-akit na pakete ay nagiging patok sa mga ito.
Ayon sa mambabatas, pinag-aaralan ng komite kung paano epektibong maipapataw ang buwis sa alcopops upang makatulong na mapigilan ang pag-inom ng alak ng mga kabataan.
Ang alcopops ay mga inuming may alkohol na pinaghalo na bago ibenta at karaniwang may matatamis o lasang prutas.
Mahalagang matugunan ang pag-inom ng alak ng kabataan upang maprotektahan ang mga bata laban sa masasamang epekto nito at maipakita sa mga magulang na kabahagi ng pamahalaan ang kanilang pagmamalasakit sa kalusugan ng kanilang mga anak.
Ipinaliwanag din ni Quimbo na ang anumang planong pagtataas ng excise tax ay dapat magkaroon ng malinaw na layuning pangkalusugan at isaalang-alang din ang posibleng epekto nito sa industriya ng mga inuming may alkohol.
Binigyang-diin nito na kailangang maging maingat at eksakto ang pamahalaan sa pagtukoy kung aling mga produkto ang dapat patawan ng mas mataas na buwis.
Patuloy pang pinag-aaralan ng komite ang mga panukalang pagbabago sa buwis sa mga inuming may alkohol bilang bahagi ng pagsisikap na mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ng kabataang henerasyon.

