Tamang proseso sa Malampaya deal iginiit ni Gatchalian

225 Views

SA kanyang pagbibigay-diin sa pagsasaalang-alang ng kapakanan ng interes ng bansa, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang susunod na liderato ng Department of Energy (DOE) na tiyaking ipapatupad ang mga umiiral na batas at regulasyon bago pahintulutan ang napipintong pagbili ng Prime Infrastructure Holdings Inc. (Prime Infra) sa Malampaya gas-to-power project.

Sinabi ni Gatchalian na malinaw ang nakasaad sa batas na ipinag-uutos ng Department Circular 2007-04-0003 na ang mga karapatan at obligasyon sa ilalim ng Presidential Decree 87 ay hindi dapat italaga o ilipat hangga’t hindi lubusang nasusuri ng DOE.

Naniniwala si Gatchalian na handang sumunod sa mga alituntunin ang Prime Infra lalo na’t nagpapahiwatig ito ng pagiging bukas sa pagsisiyasat sa ilalim ng umiiral na mga proseso ng pag-apruba ng transaksyon batay sa mga regulasyon.

“Dahil nag-iisang pinakamahalagang pinagkukunan ng enerhiya ang Malampaya sa ating bansa, kailangang masiguro na ang kumpanya o sinumang interesado sa Malampaya ay may kakayahang teknikal, pinansyal, at ligal gaya ng itinakda ng mga umiiral na batas upang makuha ang pahintulot ng gobyerno,” aniya.

“Inaasahan naming magiging transparent ang Prime Infra sa kanilang transaksyon upang maging epektibo ang proseso. Ang kinabukasan ng ating seguridad sa enerhiya ang nakataya dito para sa mga susunod na mga taon,” pagtatapos ng Senate Energy Committee Chairperson.