Tanaw

Tanaw de Rizal suportado ng DAR

Cory Martinez May 20, 2025
72 Views

TULOY ang suporta ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Tanaw de Rizal, isang eco-tourism at environmental conservation site sa Rizal, Laguna sa kabila ng papalapit na pagtatapos ng Convergence Area Development Plan (CADP) sa taong ito.

Ayon sa DAR, nakikiisa ito sa mga lokal at pambansang katuwang upang ipagpatuloy ang programa at mapanatili ang mga tagumpay nito.

Patunay ang Tanaw de Rizal ng matagumpay na pagtutulungan ng iba’t- ibang ahensya at sektor na nagpapakita ng kahalagahan ng pagkakaisa sa pangangalaga ng kalikasan, mga hayop at pagtataguyod ng kabuhayan.

Isang modelo ng environmental convergence ang Tanaw de Rizal kung saan ang kalikasan, lokal na pamamahala at komunidad nagkakaisa tungo sa napapanatiling kaunlaran.

Ang Community-Managed Potable Water, Sanitation and Hygiene (CP-WASH) project ang isa sa mga mahalagang kontribusyon ng DAR.

Sa pamamagitan nito, napabuti ang pagkakaroon ng komunidad ng malinis na inuming tubig at maayos na palikuran, isang malaking hakbang para sa kalusugan at maunlad na pamumuhay sa kanayunan.

Sa pamumuno ni Dr. Aldwin Sumague Subijano, DVM, Municipal Agriculturist at pansamantalang Tourism Officer, pormal nang naghain ng lokal na pamahalaan ng Rizal ang panukalang muling pagpapatupad ng CADP.

Nakaantabay na ito sa pag-apruba ng mga katuwang na ahensya.

Ayon kay Subijano, maraming benepisyo ang dulot ng Tanaw de Rizal tulad ng pangangalaga ng watershed; proteksyon ng kagubatan; konserbasyon ng wildlife at seguridad sa pagkain.

Sa tuloy-tuloy na suporta ng DAR at masigasig na pamumuno ng lokal na pamahalaan, patuloy na nagsisilbing halimbawa ang Tanaw de Rizal ng maayos na pagtutulungan para sa likas-kayang pag-unlad.

Habang hinihintay ang pag-apruba sa muling pagpapatupad ng CADP, nananatili itong patunay na ang pagkakaisa ng pamahalaan at komunidad at ang kalikasan susi sa tunay at pangmatagalang pag-unlad.