Bangkay

Tao nakitang nakabitin sa loob ng water refilling station

Edd Reyes Dec 1, 2025
251 Views

BINULAGA ng nakabiting bangkay ang kawani ng isang water refilling station nang buksan niya ang establisimyento Lunes ng umaga sa Malabon City.

Hindi kaagad nakilala ni alyas “Aaron,” kawani ng isang water refilling station sa may Barangay Santulan, na ang 24-anyos na kaibigan at kasamahan pala niya sa trabaho na si alyas “Mario” ang nakabiting bangkay dahil madilim at hindi pa niya nabubuksan ang ilaw sa loob ng tindahan.

Sa imbestigasyon ni P/MSgt. Jeric Tindugan ng Station Investigation Unit ng Malabon police, posibleng Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw nangyari ang insidente kung saan nakitang nakapulupot ang nylon cord sa leeg ng biktima at itinali ang kabilang dulo sa metal roof beam.

Sinisiyasat pa ng pulisya ang insidente at hihintayin ang resulta ng isinagawang awtopsiya sa bangkay upang matukoy kung nagpatiwakal o may foul play sa pangyayaring ito, habang nanawagan sila sa kaanak ng biktima at mga magulang nito sa lalawigan ng Samar na makipag-ugnayan sa pulisya para matukoy ang motibo sa insidente.