Zubiri

Tapyas budget nakaabang sa ahensyang ‘di sisipot pinuno sa pagdinig

49 Views

NAGBABALA si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na maaaring bawasan ang panukalang badyet ng mga ahensiya ng gobyerno kung hindi haharap ang kanilang mga pinuno sa pagtalakay ng Senado sa badyet.

Binitiwan ni Zubiri ang babala sa pagtalakay sa panukalang badyet ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa 2027 na hindi nadaluhan ng pangulo nitong si Pato Gregorio.

“We’re forewarning them now that there’s a chance na mabawasan po ‘yung budget nila kung di sila po sumipot dito,” ani Zubiri.

Sinabi ni Zubiri na nagpaalam si Gregorio dahil sa pakikipagpulong nito sa FIFA kaugnay ng $25 milyong inisyatiba para sa pagpapaunlad ng football, kabilang ang isang multipurpose football stadium.

Pinayagan umano niya ang pagliban ni Gregorio sa kondisyong haharap ito sa Senado sa Disyembre 3 bago aprubahan ang panukalang pambansang badyet sa ikalawang pagbasa.

Bagama’t hindi tumutol si Sen. Joel Villanueva sa pagliban ni Gregorio, iginiit niyang hindi ito dapat gawing batayan ng ibang opisyal para hindi dumalo sa pagtalakay sa kanilang badyet.

Mula nang maging mambabatas wala pa siyang natatandaang pagtalakay sa badyet ng isang ahensiya ng hindi dumadalo ang pinuno nito.

Binigyang-diin din niya na maging si Bise Presidente Sara Duterte ay personal na humarap sa Senado sa pagtalakay sa panukalang P785.2 milyong badyet ng kanyang tanggapan sa araw ding iyon.

Sumang-ayon si Senate President Sherwin Gatchalian at sinabing titiyakin ng Senado ang pagdalo ng mga opisyal ng PSC at ipararating kay Gregorio ang kanilang kahilingan.

Ayon sa mga naunang ulat, nilagdaan noong Nobyembre 15 ni FIFA President Gianni Infantino ang kasunduan sa PSC at Philippine Football Federation kaugnay ng $25 milyong pondo para sa rehabilitasyon ng Rizal Memorial Stadium at pagtatayo ng tatlong sentro ng pagsasanay sa football sa iba’t ibang rehiyon.

Sa ulat ng Senate Committee on Finance na inilahad ni Senador Bong Go, umabot sa P1.891 bilyon ang panukalang bagong alokasyon ng PSC para sa 2027.

Ayon kay Go, ang P580 milyong dagdag na pondo ay pangunahing nakalaan sa pagho-host ng mga pandaigdigang kompetisyon, pagtatayo ng mga regional sports center, pagpapaunlad ng sports sa mga komunidad at suporta sa mga atleta.

Nanatili naman sa P157.23 milyon ang panukalang badyet ng Games and Amusements Board.

Iginiit ni Zubiri na kailangang humarap sa Senado ang mga pinuno ng ahensiyang hindi nakadalo bago magsimula ang period of amendments, ang yugto kung kailan maaaring baguhin ng mga senador ang mga panukalang alokasyon.