Rep. Marissa "Del Mar" P. Magsino

Tatlong panukalang batas para sa proteksiyon ng mga OFWs tututukan ni Magsino ngayong 2025

Mar Rodriguez Jan 7, 2025
33 Views

SA pagpasok ng 2025, tututulan ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang tatlong panukalang batas na nakatakda nitong ihain sa Kamara de Representantes para mabigyan ng kaukulang proteksiyon at mapangalagaan ang karapatan at kagalingan ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Magsino na ang unang “order of business” ng OFW Party List group ngayong 2025 ay ang pagsusulong ng tatlong panukalang batas para sa kapakanan ng mga OFWs partikular na ang pangangalaga sa kanilang mga karapatan habang sila at nagta-trabaho sa ibayong dagat.

Sabi ni Magsino na kabilang sa tatlong panukalang batas na ihahain nito sa Kamara ay ang Magna Carta for the reintegration ng mga OFWs, tungkol sa issue ng surrogacy ng mga OFWs at panukalang batas na mag kinalaman sa remittances ng mga ito.

Sa isyu naman ng surrogacy, ipinaliwanag din ng kongresista na napakahalaga aniya ang pagsusulong ng panukalang batas patungkol dito sapagkat marami aniyang mga kababaihang OFWs ang naabuso sa ibang bansa.

“Ngayon naman ang ating ihahaing panukalang batas sa Kongreso ay ang Magna Carta for the reintegration para sa ating mga OFWs. Ganun din po ang tungkol sa issue ng surrogacy para sa ating mga OFWs na masyado pong naaabuso sa iba’t-ibang bansa ang ating mga kababaihan. Kasama na dito ang iba’t-iba pang panukalang batas na tungkol naman sa remittances,” wika ni Magsino sa panayam ng Taliba.

Nabatid pa kay Magsino na layunin ng Magna Carta for the reintegration ng mga OFWs na mabigyan ng pangkabuhayan o isang livelihood ang mga nagbabalik Pilipinas na mga OFWs upang makapiling ang kanilang pamilya sa bansa sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“Ito po ay ang pakikipag-ugnayan ng OFW Party List sa DMW, DFA at OWWA upang ang ating mga returning OFWs na desidido na pong manatili dito sa Pilipinas at mamuhay na kasama ang kanilang pamilya ay magkaroon ng pangkabuhayan upang sa ganoon naman ay hindi nila masabi na bakit kami uuwi sa Pilipinas wala naman kaming magiging trabaho,” paliwanag pa ni Magsino.